Mga kaanak, ugnayan ng rebelde at nobya nitong pulis | ABS-CBN

HEADLINES:
|

ADVERTISEMENT

HEADLINES:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga kaanak, ugnayan ng rebelde at nobya nitong pulis

Mga kaanak, ugnayan ng rebelde at nobya nitong pulis

ABS-CBN News

Clipboard

Plano ni Philippine National Police chief Director General Ronald ''Bato'' Dela Rosa na kausapin nang personal si Supt. Maria Christina Nobleza, ang inarestong pulis na nagtangkang sumaklolo sa Abu Sayyaf sa Bohol kasama ang karelasyong miyembro rin umano ng rebeldeng grupo.

Nakadetine na ngayon si Nobleza at ang karelasyong si Reenor Lou Dongon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Ibiniyahe sila mula Bohol nitong umaga.

Ayon kay Dela Rosa, nakipagrelasyon si Nobleza kay Dongon kahit pa may asawa na raw ang pulis na isang police attaché sa Pakistan.

Nang maaresto, unang iginiit ni Nobleza na nasa Bohol lang siya para magbakasyon.

ADVERTISEMENT

Sa paunang imbestigasyon ng PNP, lumalabas na sa isang police interrogation noong 2013 nagkakilala at nagkamabutihan ang pulis at ang umano'y terorista. Inaresto si Dongon noon kaugnay sa alegasyong paggawa ng bomba.

Sanggang-dikit daw si Dongon at ang sasaklolohan dapat sa Bohol na si Alyas “Saad” sa Malaysian bombmaker na si Zulkifi Binhir o alyas Marwan na napatay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano noong 2015.

Bahagi naman si Nobleza noon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC.

Kinasuhan na ng PNP si Nobleza ng illegal possession of firearms, obstruction of justice, at disobedience to persons of authority.

Kinasuhan din ng disobedience to persons of authority si Dongon bukod pa sa standing arrest warrant laban sa kanya kaugnay sa pagkamatay ng dalawang tao sa isa pang insidente ng pambobomba.

ADVERTISEMENT

Posible pang madagdagan ang mga kaso ng dalawa matapos salakayin ng mga awtoridad ang bahay ni Nobleza sa Malaybalay City, Bukidnon. Narekober doon ang isang M-16 rifle, isang cal. 45 na baril, mga bala, at mga gamit sa paggawa ng bomba kabilang na ang timer at dose-dosenang blasting caps. Inaresto rin ang isang Al Mohammar Bayani na naroon sa bahay.

Sinalakay din ang nirerentahang apartment ni Nobleza sa Panglao, Bohol kung saan narekober naman ang mga parte ng isang bomba, detonating cord, blasting cap, at blasting cap kit.

Inaalam pa ng PNP kung may mga kasabwat pa si Nobleza na isang mataas na opisyal sa PNP sa loob ng kanilang hanay.

Sino ang ‘bumihag’ sa pulis?

Matagal na raw kilala ng mga awtoridad si Dongon, ang karelasyon ni Nobleza. Anila, malaki ang papel ni Dongon at ng ilang miyembro ng kanyang pamilya sa terorismo dito sa bansa.

ADVERTISEMENT

Taong 2013, inaresto ang 22-anyos na si Dongon sa kasong pagdukot sa isang Korean sa Iligan City.

Pero naglabas umano siya ng pekeng I.D. at pinalabas na menor de edad pa siya kaya siya pinakawalan.

Kalauna’y malalaman ng mga awtoridad na si Dongon, alyas “Kudri” ay tagasunod umano ng Black Flag Movement, ang dating pangalan ng kanilang grupo rito sa bansa bago sila umanib at ginamit ang pangalan ng ISIS o Islamic State.

Ayon sa mga awtoridad, maaaring sangkot din si Dongon sa Zamboanga bus bombing ng 2015.

Natuto raw gumawa ng bomba si Dongon mula mismo sa kanyang kuya na si Rey Gee Van Dongon, alyas “Abu Tariq” na umano’y isang eksperto sa paggawa ng improvised explosive devices.

ADVERTISEMENT

Ang tatay nilang si Romeo, dating jail guard at security guard ng isang airline, ayon sa mga source ng ABS-CBN, pinatitira niya sa bahay nila sa Lanao Del Norte ang Jemaah Islamiyah.

Ang nanay nilang si Judith ang nakatatandang babaeng kasama nila ng nobyang pulis sa tangkang pagsaklolo sa Abu Sayyaf sa Bohol.

Pero mas matindi umano ang koneksyon sa terorismo ng mga kapatid na babae ni Dongon.

Ang ate niyang si Jainad o Juromee Dongon Fernandes ay ang pangatlong asawa umano ni Abdurajak Janjalani, ang mismong founder ng Abu Sayyaf.

Nang pumanaw si Abdurajak, naging asawa naman niya umano ang sunod na pinuno ng Abu Sayyaf na si Khadaffy Janjalani.

ADVERTISEMENT

Pagkamatay ni Khadaffy noong 2006, sunod naman niya umanong naging asawa si Marwan na siyang pinatay ng PNP Special Action Force sa Mamasapano noong 2015.

Ang isa pa nilang ate na si Amina, o Lorilee Dongon, naging asawa naman umano ni Abu Solaiman, isa pa sa mga founding leaders ng Abu Sayyaf.

Ang isa pa nilang kapatid na babaeng si Neneng o Nura-in Dongon Santos, naging pangalawang asawa umano ni Ahmed Santos, pinuno ng Rajah Solaiman Movement.

Iisang pamilya lang daw sila pero nagawang buklurin ang mga pinakamatinik na teroristang nakilala ng bansa. Ayon sa AFP, mukha mang kalat na ang terorismo sa buong bansa, sa mga ugnayang ganito makikita raw kung gaano kasimple ang istrukturang ginagalawan ng mga terorista. --Ulat nina Jeff Canoy at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.