Paano makaiiwas sa 'tulo'? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Paano makaiiwas sa 'tulo'?

Paano makaiiwas sa 'tulo'?

ABS-CBN News

Clipboard

Milyon-milyon ang apektado ng gonorrhea o ‘tulo’ sa buong mundo.

Sa pinakahuling tala ng World Health Organization, 78 milyon ang may ganitong uri ng sexually transmitted infection.

May bagong strain din ng gonorrhea na hindi na tinatablan ng antibiotics.

Ayon kay Dr. Lulu Marquez sa kanyang programang ‘Private Nights’ sa DZMM, karaniwang naaapektuhan ng gonorrhea ang ari ng babae’t lalaki. Maaari ring maapektuhan ang rectum o tumbong o kaya’y lalamunan.

ADVERTISEMENT

"Bakit may ‘tulo’? Kasi mayroong whitish-yellowish discharge sa dulo ng penis. Ganoon din sa babae, whitish, yellowish, blood-tinged [na discharge]."

Kadalasan ding masakit para sa isang babaeng may gonorrhea na makipagtalik dahil kumikirot ang puson habang nakikipagniig.

Hindi rin ibig sabihin na tanging sex workers lang ang maaaring magkaroon ng gonorrhea. Basta nakipagtalik sa taong may ganitong impeksiyon, maaaring mahawa na rin.

"[Even] ordinary students can have it, kasi baka sexually active ang estudyante," paliwanag ni Marquez.

Kaya para maiwasang magka-‘tulo’ o gonorrhea, payo ni Marquez na umiwas sa ‘casual sex’ o iyong pakikipagtalik kung kani-kanino kahit hindi karelasyon.

Makatutulong din ang paggamit ng condom bilang proteksiyon sa mga sexually transmitted infection.

Lumabas din sa isang pag-aaral na mabisa ring panlaban sa ‘tulo’ ang isang klase ng bakuna.

"Meningitis shot also offers some defense versus gonorrhea, it's a study," paliwanag ni Marquez. “The shot offers moderate protection against gonorrhea."

Pero kung mayroon nang gonorrhea, dapat nang agad magpatingin sa doktor para maresetahan ng gamot.

Hindi dapat magbaka-sakali at sumangguni lang ng kung ano-anong gamot mula sa internet, social media, o kaya sa mga kaibigan.

"Paano mako-control [ang gonorrhea]? Prevention. Kung nandoon na [ang impeksiyon], treatment… early diagnosis," ani Marquez. “Karamihan ganoon, masyadong ina-assume 'buko juice lang ‘yan, inom lang akong maraming tubig.' Of course not! Tapos may lumalabas nang discharge, buko juice ka pa diyan, wala pa ring [treatment].”

Pinabulaanan din ni Marquez ang sabi-sabi na maaaring magka-gonorrhea sa paggamit ng maduming inidoro sa mga pampublikong lugar.

Hindi rin aniya totoo ang paniniwala ng ilan na nakagagaling ng ‘tulo’ ang paggamit ng karne.

“Hindi po nakakagamot ang fresh meat ng baka o baboy. Anong gagawin mo roon?” ani Marquez. “Itatapal mo doon [sa ari]? May tamang gamot.... sayang ang karne.”

Karaniwan ding ilang araw ang lumilipas bago lumabas ang mga sintomas ng gonorrhea.

Kaya pinakamainam na magtungo sa urologist ang mga lalaki, at sa obstetrician-gynecologist naman ang mga babae para magpasuri.

Dapat ding bumalik sa doctor para sa follow-up na konsultasyon matapos inumin ang iniresetang gamot.

Iyan ay para matiyak na naging mabisa ang gamot kontra sa gonorrhea.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.