Sino-sino ang pwedeng mag-alay ng dugo? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lifestyle

Sino-sino ang pwedeng mag-alay ng dugo?

Sino-sino ang pwedeng mag-alay ng dugo?

Pia Regalado,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 22, 2016 10:44 PM PHT

Clipboard

Mataas ang demand, pero kakaunti ang supply ng dugo. Ito ang inamin ni Dr. Jenny Atun, pathologist mula sa Philippine Blood Center, sa programang "Magandang Gabi Dok" sa DZMM.

Sinabi ni Atun na tuwing Hulyo ang Blood Donation Month kung kailan ginaganap ang kaliwa't kanang blood drive para makalikom ng dugo.

Pag-amin niya, "We are highly reliant on the goodwill of the people to donate blood."

Bagama't maraming nais mag-alay ng kanilang dugo, kailangan munang malaman kung kwalipikado ba ang isang pasyente.

ADVERTISEMENT

Inisa-isa nito ang kwalipikasyon bago makapag-alay ng dugo ang isang volunteer:
- dapat nasa edad 16 hanggang 65
- dapat may written consent ng magulang o guardian ang mga nais mag-donate na nasa edad 16 at 17
- hindi bababa sa 50 kilograms ang timbang
- walang malubhang sakit tulad ng cancer
- hindi pwede ang mga anemic o mga pasyenteng mababa ang bilang ng red blood cells

Hindi naman ipinagbabawal ang mga may tattoo o hikaw.

"Ang guidelines po natin diyan ay 12 months after huling nagpalagay saka lang sila pwedeng mag-donate," ani Atun.

Paliwanag nito, sa paghihintay ng isang taon ay maaaring malaman kung may impeksyon o sakit na nakuha sa pagpapa-tattoo o paglalagay ng hikaw lalo na kung hindi naging malinis ang pagkakagawa.

Kailangan ding maghintay ng isang tao ang mga pasyenteng na-dengue bago masuri ang dugo nila kung malinis ito lalo kung nasalinan ito nang magkasakit.

Maaari rin namang magbigay ng dugo ang mga bagong nanay.

Ngunit kailangang makalipas muna ang anim na buwan matapos itong manganak o magpasuso bago magbigay ng dugo.

Samantala, isang taon naman ang pagitan kung sumailalim sa operasyon ang isang kakapanganak na ina o mga pasyente.

Mga dapat malaman ukol sa Rh negative na dugo

Sa programa, ipinanawagan ang pagbibigay ng dugo ng mga pasyenteng may Rh (Rhesus) negative.

Ani Cheenie Santos, secretary-general ng Rh Negative Philippines, isang non-government organization na nagbibigay ng Rh- na dugo sa mga pasyente, bibihira ang stock ng naturang klase ng dugo.

Ang Rh- na dugo ay nangangahulugang walang naturang protein sa dugo ng isang tao.

Pinaniniwalaang galing sa dayuhang dugo ang Rh-.

Bihira ang naturang klase ng dugo dahil nasa 1% lang anila ng populasyon ang may Rh- na dugo.

Sa kasalukuyan, may 300 active donors lang ang kanilang grupo. Samantala, wala namang stock ng Rh- na dugo ang Philippine Blood Center.

"Inaanyayahan po namin ang mga taong nakikinig ngayon, kung maaari po silang mag-donate ng blood," panawagan ni Atun.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.