Pagputok ng Mt.Pinatubo: Pinsala noon, biyaya ngayon | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Lifestyle

Pagputok ng Mt.Pinatubo: Pinsala noon, biyaya ngayon

Pagputok ng Mt.Pinatubo: Pinsala noon, biyaya ngayon

Gracie Rutao,

ABS-CBN News

Clipboard

PAMPANGA - Para sa mga residente, delubyo kung ituring ang pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991. Ngunit ngayon, pinagkukunan na nila ito ng biyaya.

Ayon sa National Geophysical Data Center, umabot sa 350 ang mga namatay sa pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong June 15, 1991, eksaktong 26 na taon na ang nakakaraan.

Umabot naman sa 722 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa pananalasa ng bulkan. Marami sa mga biktima ay nagkasakit sa mga evacuation center, hanggang sa tuluyang mamatay.

Libo-libo rin ang nawalan ng tirahan sa itinuturing na ikalawang pinakamalaking pagsabog ng bulkan noong 20th century.

ADVERTISEMENT

Marami ang nag-akala na tuluyan nang mabubura sa mapa ng Pilipinas ang lalawigan ng Pampanga.

Isa ang bahay ng pamilya Caballa sa Barangay Cabangbangan sa bayan ng Bacolor sa mga natabunan ng lahar.

Taong 1994 ipinagawa ang bahay matapos maanod ang kubo ng pamilya sa unang pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991.

Halos bubong nalang ang natira nang matabunan ng halos anim na metrong lahar ang kanilang bahay.

Salamin din ng pait ng pagsabog ng Mt. Pinatubo ang San Guillermo Parish Church, matapos mabaon ang simbahan sa halos 10 metrong lahar.

Sa kabila nito, nananatiling matatag ang simbahan para sa mga parokyano. Dahil na rin sa estado nito, mas nakilala ang simbahan bilang isa sa mga tourist destinations sa lalawigan.

Dinarayo rin ang wellness and spa facilities sa Barangay Sapang Bato at Porac. May 4x4 ride kung saan kita ang dinaanan ng lahar, sand spa at mud pack mula sa Pinatubo ashes, at maari ring mag-relax sa cold at hot spring pools.

Nagbigay rin ito ng kabuhayan para sa ilang katutubong Aeta.

Matapos ang 26 na taon, ang lahar na naminsala noon ay itinuturing nang biyaya ngayon.

Ang naiwang buhangin, nagbibigay na ngayon ng milyon-milyong pisong quarry collections.

Naging oportunidad rin ito para sa mga residente na makapagpundar ng ibang kabuhayan.

May ilang mga residente na nakakagawa ng iba't ibang religious images at mga handicraft mula sa abo at iba pang dala ng pagsabog ng bulkan.

Nabaon man sa lahar ang lalawigan, pinatunayan naman ng mga Kapampangan na kaya nilang muling makaahon mula rito.

Anumang pait ng bangungot ng karanasan, nangibabaw pa rin ang katatagan ng mga Kapampangan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.