ALAMIN: Paano maiiwasan ang 'sepanx' ngayong pasukan? | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Paano maiiwasan ang 'sepanx' ngayong pasukan?

ALAMIN: Paano maiiwasan ang 'sepanx' ngayong pasukan?

ABS-CBN News

Clipboard

MANILA - Pasukan na naman, at isa sa mga karaniwang problemang kinakaharap ng mga magulang ay ang "separation anxiety" ng mga bata.

Karaniwang umiiyak at ayaw magpaiwan sa klase ng mga batang nakakaranas ng separation anxiety o, sa pinaikling tawag, "sepanx."

Ayon kay Claudette Tandoc, isang family life and child specialist, normal lamang sa mga bata na makaranas ng separation anxiety at stranger anxiety, lalo na kung unang beses nilang papasok sa eskwelahan.

Paliwanag niya, maiiwasan ang separation at stranger anxiety kung maagang maipapakilala sa mga bata ang bagong kapaligirang kanilang papasukan.

ADVERTISEMENT

"Importante na ma-orient ng magulang 'yung anak, days pa lang or weeks (before pasukan)," ani Tandoc.

Isa rin sa makakatulong upang maiwasan ang sepanx sa mga bata ang mga aktibidad o gawain nila sa eskwelahan.

"Ako, I believe, sa mga nakikinig ngayon na mga teachers and mga schools, naniniwala ako, isang malaking factor diyan, ano bang learning environment ang inihanda niyo? Kaaya-aya ba? Magiging interested ba 'yung mga bata o matatakot sila?" ani Tandoc.

Dagdag pa niya, mahalagang makakita ng mga laruan ang mga bata para mabawasan ang kanilang takot at pangamba sa pagpasok sa eskwelahan.

"I mean when you enter, may nakikita ka bang toys? Dapat meron kasi ang main vehicle for learning for young children ay toys, hindi worksheets at workbooks," ani Tandoc.

Mainam umano na magkaroon ng orientation ang mga magulang bago ang pasukan kung paano ihahanda ang kanilang mga anak.

Mahalaga rin umano na bago pa man ang pasukan ay maging pamilyar na ang mga bata sa kanilang eskwelahan para makabawas sa kanilang pangamba at sepanx.

"Makakatulong kung may ocular inspection. Visit tayo sa school. Dapat pumayag ang school ng ganun. Hindi pwede sa nature ng bata na bibiglain mo, ito 'yung classroom ko, ito 'yung school ko, napakalaki, and then maraming mga classmates kaagad," ani Tandoc.

"Hindi 'yung first day, doon mo dadalhin, makikita niya yung iba nag-iiyakan, nakakahawa 'yun, iiyak na rin siya," dagdag pa niya.

Payo rin ni Tandoc, makakatulong sa mga bata kung papayag ang eskwelahan na pansamantalang manatili ang mga magulang o yaya sa loob ng classroom habang hindi pa sanay ang mga bata sa bago nilang kapaligiran.

"And isa pang suggestion, siguro allow at least [a] two-week period ng adjustment. Ibig sabihin, ano 'yung adjustment period? Pwede silang pumasok, magsit-in, mga yaya, pero hindi naman ibig sabihin, na lahat sila," aniya.

Dagdag ni Tandoc, mahalaga ring tuparin ng mga magulang ang kanilang mga pangako sa kanilang mga anak upang hindi mawala ang tiwala ng mga ito sa kanila.

"'Pag sinabi mong babalik ka, bumalik ka kasi mawawalan siya ng trust sa'yo. Huwag kang magpromise nang hindi mo tutuparin," aniya.

Mainam rin umanong magpaalam sa mga bata kung aalis na ang mga magulang, kahit pa umiiyak ang mga ito.

Bukod pa rito, mas makakabuti rin umano sa mga bata kung hahayaan silang magdala ng mga bagay na pamilyar sa kanila, katulad ng mga stuffed toy, paboritong laruan o larawan ng kanilang mga pamilya.

"Payagan or dapat i-encourage 'yung mga bata, 'yung mga parents pagsabihan sa parents' orientation pa lang, padalhin ang mga kids ng something, ng object from the house na familiar," ani Tandoc.

Payo ni Tandoc, mahalagang maihanda ang mga bata sa pagpasok sa paaralan upang maiwasan ang sepanx.

"Sa mga magulang, habang hinahanda ninyo ang inyong mga anak, ino-orient, sa pakikipag-usap ninyo, nice words naman ang gagamitin," aniya.

"Sa mga schools, please prepare the learning environment. Sa mga teachers, malaking factor po kayo para matanggal at ma-overcome ng mga estudyante ang kanilang anxiety," dagdag ni Tandoc.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.