Biik, marunong ng K9 tricks

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 05:44 PM | Updated as of May 18 2017 08:49 PM

Isang maliit na biik ang tinuturing na bestfriend ni Ronaldo Nedia, isang dog trainer mula Pampanga. Sa katunayan, dahil sa pagkalapit nito sa kanya at sa sobrang tuwa niya rito, tinuruan na rin niya ang alagang biik ng mga tricks na kayang gawin ng mga aso.

Maliban sa mga alagang aso ng pamilya ni Nedia, itinuturing din niyang 'man's best friend' ang kanyang alagang biik na pinangalanan niyang Peppa. 

"Palagi siyang sumusunod sa akin. Sabi ko, ibang klase ito ah. Parang naghahanap ng pamilya," sabi ni Nedia.

Kalahating baboy ramo, at kalahating ordinaryong baboy si Peppa. Inampon ni Ronaldo si Peppa mula sa pig farm ng isang kaibigan. 'Love at first sight' daw para sa kanya dahil kahit maliit, tila mayroong kakaibang dating ito. 

Dahil dito, naisip niya: bakit hindi turuan din ng tricks ng mga asong sumasabak sa K9 obstacle course si Peppa?

"Tinitingnan ko kung hanggang saan ang limitasyon ng isang hayop, kung hanggang saan ang limitasyon ng isang baboy. So kung matuturuan ko siya ng agility, masaya na ako na naturuan ko siya, di lang para sa akin, pati para sa pamilya ko," ayon kay Nedia.

Kaya ngayon, kaya na ni Peppa ang mag-spin, 'over', 'under', at rumampa!

Ayon sa isang pag-aaral sa Newcastle University sa UK noong 2016, napag-alamang maaaring mas matalino ang baboy kaysa aso, basta paulit-ulit lang ang pagtuturo at basta may pakain pagkatapos. 

Mas marami pang trivia tuwing Linggo, 10 ng umaga, sa Matanglawin sa ABS-CBN Channel 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.