Anak, dating asawa ni Isabel Granada, balik Pilipinas na

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 08:30 AM

MANILA - Nakauwi na sa Pilipinas ang anak, dating asawa at ina ng aktres na si Isabel Granada mula Qatar, Linggo ng gabi upang asikasuhin ang kanyang burol.

Ayon kay Jericho Aguas, dating mister ni Isabel, tinutulungan sila ng mga kaibigan sa show business upang maihanda ang burol ng aktres. Gusto aniya sana nilang magkaroon ng public viewing bago ang planong cremation.

Ibinahagi ni Jericho na nagpapasalamat siya na nakita pa niya si Isabel matapos itong isugod sa ospital sa Qatar noong nakaraang linggo dahil sa aneurysm.

Nalagay sa comatose ang aktres bago tuluyang pumanaw nitong Sabado.

Sa isang post sa Facebook, sinabi naman ni Chuckie Dreyfus, kaibigan ni Isabel na magsisimula ang burol sa Nobyembre 9.

 

Nangako naman si Jericho na dodoblehin ang pagmamahal sa kanilang 14-anyos na anak na si Hubert. Hindi rin aniya nila papabayaan ang ina ni Isabel na si Guapa Castro-Granada.

Nagpasalamat naman si Hubert sa lahat ng sumuporta sa kanilang pamilya. Nakatulong aniya ang mga ito na matanggap niya ang nangyari sa ina.

Sa Miyerkules pa maiuuwi ng asawa ni Isabel na si Arnel Cowley ang mga labi ng aktres. Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.