BALIKAN: Goodbye, Ivy Aguas; welcome, Lily Cruz

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 07:18 PM

MANILA -- Marami ang napasigaw ng "pak!" sa muling pagbabalik ni Maja Salvador, o Ivy Aguas, sa teleseryeng "Wildflower" nitong Lunes ng gabi. 

Sino ba naman ang hindi maaaliw sa bonggang light at smoke effect na humudyat sa entrada ni Ivy Aguas, na may kasamang dance number pa? 

Malayo sa inaakala ng pamilya Ardiente, hindi pala tuluyang namatay si Ivy Aguas; bagkos ay buhay na buhay pa rin siya. 

"Hindi ka totoo. Patay ka na," ani Julio Ardiente (Tirso Cruz III) na halatang kinilabutan sa kanyang mga nasaksihan. 

Ngumiti lamang si Ivy at sinabing patay na nga si Ivy Aguas. "Hindi patay si Lily Cruz, ako si Lily Cruz. Ako ang tunay na Lily Cruz," dagdag pa niya. 

Kasama ni Lily Cruz ang isang hukbo ng gunmen na handang barilin si Julio Ardiente anumang oras. Tatapusin na umano niya ang paghahari ng mga Ardiente sa gabing iyon.

Pero gaya ng inaasahan, hindi agad matatapos ang palabas. Bagkus, nagpasikat muli si Lily Cruz, at ipinagmalaki kung bakit hindi siya naka-itim. 

"Hindi ako naka-itim dahil hindi ko kayo paglalamayan. Black is out. Gold is in. And yes, just like gold, I am indestructible," aniya.

Kasamang kinilabutan ni Julio Ardiente ang mga netizens na tumutok sa episode. Top-trending tuloy sa Twitter ang hashtag na #WildflowerIndestructible. 

Makakamit na kaya ni Lily Cruz ang pinaka-aasam niyang paghihiganti? Tutukan ang mga susunod na episodes ng "Wildflower" bago mag"TV Patrol."