Angel Locsin at Neil Arce: May 'I love you', pero walang 'label'

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 12:08 AM | Updated as of Sep 08 2017 03:16 PM

Ipinaliwanag ni Angel Locsin ang estado ng relasyon nila ngayon ng producer na si Neil Arce.

"Tina-try namin 'yong parang kayo pero di kayo, gano'n. Magulo ba? Hindi ko rin ma-explain e, kapag lumalabas kami hindi naman kami nagtatago," ani Locsin.

Sabi ni Angel, walang label ang kanilang relasyon.

"Mas ok muna na ganito. May nag-'I love you'. Maraming beses na nag-I love you".

Si Arce ang dating karelasyon ng aktres na si Bela Padilla.

Nagbabalik-eksena naman si Locsin sa 'La Luna Sangre' matapos ang makadurog-pusong pamamaalam ng kanilang karakter ni John Lloyd Cruz sa naturang teleserye.

Gagampanan niya ang papel bilang si 'Jacintha Magsaysay' na isang political strategist na tutulong kay 'Sandrino', ang karakter ng dating ka-loveteam na si Richard Gutierrez.

"I'm very happy na nagkaroon ulit ako ng chance with Chard. Actually, isa sa mga ano 'yon kung bakit ako napapayag," ani Locsin.

Game rin siya sa pagsabak sa action scenes at stunts kahit na nagkaroon siya ng spine injury dati na naging dahilan para bitawan niya ang role na 'Darna'.

"Nakadalawang surgery na ako last year. I think nag-work naman siya but 'yon nga, very strict naman ang doktor ko marami siyang limitations," aniya.

Samantala, sinorpresa ng La Luna Sangre team si Daniel Padilla kasunod ng kaniyang 'Best Actor' award para sa "Barcelona: A Love Untold" at ang pagkapanalo ng tambalang KathNiel sa Philippine Movie Press Club Star (PMPC) Awards for Movies.

"Maraming salamat sa PMPC sa pagpili sa amin at sa parangal na binigay niyo sa amin ni Kathryn na 'love team of the year', maraming maraming salamat po at siyempre sa lahat ng KathNiel fans na hanggang ngayon sumusuporta sa aming dalawa maraming maraming salamat din po," ani Padilla.

Inspirasyon ito ng KathNiel para pagbutihin pa ang kanilang mga ginagampanang papel sa harap ng camera.

--Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN NEWS

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.