Paghina ng piso vs. dolyar: Sino'ng wagi, sino'ng sawi?

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 10:16 PM

Nagsara sa P52.120 nitong Miyerkoles ang palitan ng piso kontra dolyar.

Ito na ang pinakamahinang antas ng piso sa loob ng halos 12 taon.

Ang piso na ngayon ang itinuturing na "worst performing" currency sa Asya kung ikukumpara sa pera ng Thailand, Tsina, at Malaysia na pawang nagsilakasan ang palitan.

Mabuting balita ito kung ituring ng mga kumikita ng dolyar dito sa bansa o kaya nama'y overseas Filipino workers (OFW) na nagpapadala ng dolyar sa mga kaanak.

Tinatayang 10 milyong OFW at isang milyong business process outsourcing o call center employees ang makikinabang sa mas malaking palit ng dolyar sa piso ngayon.

Pati exporters, lalaki ang kita dahil mas malaki rin ang lumalabas ngayong halaga ng mga produktong naibebenta nila sa presyong dolyar sa ibang bansa.

Pero masakit para sa ilang negosyante ang paghina ng piso.

Isa sa mga nasapul nito ang importers tulad ni Jesse Cham na may-ari ng isang meat shop at nag-aangkat ng karneng nakapresyo sa dolyar.

Ayon kay Cham, lumalaki ang kaniyang gastos para mag-angkat ng karne.

Lumalabas ding mas mahal ngayong bumili ng mga produkto mula sa ibang bansa.

Dagdag ni Cham, kung magpatuloy ang paghina ng piso, maaaring mapilitan siyang magtaas ng presyo ng ibinebentang imported meat.

'BUILD, BUILD, BUILD'

Gayunman, hindi nababahala si Budget Secretay Ben Diokno dahil aniya, minority o hindi ganoon karami ang apektado ng paghina ng piso.

Paliwanag din niya, kaya lumalakas ang dolyar, ay dahil pala-import o angkat nang angkat ngayon ang Pilipinas. 

Kasama na riyan ang materyales para sa mga proyektong pang-impraestruktura sa ilalim ng "Build, Build, Build" program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinegundahan ito ni Riche Lim, isang financial analyst mula sa BPI securities.

Ayon kay Lim, asahan nang mas hihina pa ang piso habang umiigting ang paggastos ng gobyerno para sa mga proyektong pang-impraestruktura nito.

Umaasa na lang si Cham, na kapag ganap nang nakumpleto ang infrastructure projects ng gobyerno, may negosyo pa rin ang mga tulad niyang ngayo'y tinatamaan ang kita sa paghina ng piso.

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.