Yaya, nakapagtapos ng kolehiyo na cum laude

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 02:59 AM | Updated as of Jun 01 2017 04:07 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagtapos na cum laude ang isang yaya sa kanyang apat na taong kursong Hotel and Restaurant Management. 

Ngayong Mayo lamang, grumadweyt si Lucille Guiquin nang may karangalang cum laude. 

Higit sampung taong tumulong sa pag-aalaga sa anak ng mag-asawang Benzon si Lucille.

Nang makitaan ng mag-asawa ng talino at husay si Lucille sa pagtuturo sa kanilang anak sa mga aralin sa eskuwela, nangako ang mag-asawa na pag-aaralin siya pagkatuntong ng 10 taong gulang ng kanilang anak. 

Dahil alam daw ni Lucille na bihirang pagkakataon ang pagkakaroon ng among gagastos para sa pag-aaral niya sa kolehiyo, pinagbutihan niya ang kanyang pag-aaral. 

"Hindi ko in-expect na cum laude. Basta nag-aral lang ako nang mabuti. Nagsikap," ayon kay Lucille. 

Ipinagmamalaki ng kanyang magulang at pamilya sa Talisay, Negros Occidental ang kanyang nakuhang karangalan. 

Sabi ng nanay ni Lucille, bata pa ito ay alam na niyang hikahos ang pamilya kaya pinangarap na niya noon pa na makapagtapos ng pag-aaral para magtrabaho abroad. 

Payag naman daw ang nanay ni Lucille kung itutuloy niya ang planong mangibang bansa.

Tinutulungan din ng pamilya Benzon si Lucille na makahanap ng trabaho sa isang restaurant o hotel para makakuha ito ng work experience na kakailanganin niya sa pag-aabroad. 

Umaasa rin silang maging matagumpay din ito sa lahat ng gusto pa niyang marating sa buhay. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.