PatrolPH

ALAMIN: Paano nga ba maalagaan ang ating pandinig?

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2022 01:12 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Sa isang pag-aaral, lumalabas na 1 bilyong kabataan sa buong mundo ang nanganganib na mawalan ng pandinig dahil sa pakikinig ng malalakas na tugtog gamit ang earphones. 

“Maliban doon sa pangunahing dulot ng pagkawala ng pandinig na age-related ‘no, yung presbycusis, tumataas ngayon yung census natin sa noise-induced hearing loss,” ayon kay Dr. Rene Louie Gutierrez ng East Avenue Medical Center ngayong Lunes.

Ayon kay Gutierrez, ang noise-induced hearing loss ay ang ang pagkawala ng pandinig or pagbabago ng pandinig dulot nga ng mga ugong or ng mga malalalakas na tunog sa paligid.

“Sinasabi eh na dapat hanggang mga 85 decibels lamang sa loob ng mga 8 hours para masabi nating safe ang pakikinig ng kahit ano mang sound. At kapag lumagpas ito dito ay maaaring magdulot ito ng pagkabingi.”

Pero paano nga ba malalaman kung sapat lang o sobra na ang lakas ng pagpapatugtog?

“Usually, yung volume level niyo, dapat around mga 50 lang. Or dapat yung tamang pakikinig lang na hindi nakaka-irita or nakakapagod sa iyong tenga. Tama yun--kapag naririnig na ng katabi mo yung pinapakinggan mo, eh malakas na yun. At maaaring makasira ng iyong tainga.”

Payo ng doktor, huwag masyadong tagalan ang pakikinig ng music sa mga earphones.

“Wag masyadong matagal yung paggamait itong mga in-the-ear monitors na ito, or earbuds or mga headsets. Kailangan pagpahingain niyo ‘to nang ilang oras, 'wag dire-diretso.”

Importante ding maging maingat sa paglilinis ng tainga, aniya.

“’Wag kinakalikot yung loob ng tainga kais nga maaring ito ay magdulot ng pamamaga dito sa ating external auditory canal at maaaring magdulot ng problema doon sa tympanic membrane.”

Dagdag pa ni Gutierrez, mas ligtas kung gagamit ang publiko ng headphones o mga gadget na hindi ipinapasok sa tainga. 

“Actually, pareho namang safe 'yan. Kaya lang, dahil yung in-the-ear monitors or itong mga earbuds or earphones ay mas malapit doon sa ating ear canal or tympanic membrane, sinasabi sa mga pag-aaral na mas nakaka-damage ito kumpara doon sa mga headphones.”

--TeleRadyo, 21 Nobyembre 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.