PatrolPH

ALAMIN: Ano ang ibig sabihin ng mga fire alarm?

ABS-CBN News

Posted at May 22 2023 12:47 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA — Kalakip ng mga balita tungkol sa sunog ay kung anong alarma ang itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ang alarm o running card system ang ginagamit na basehan ng mga fire station kung ilan bang truck at bombero ang kailangang i-deploy sa isang sunog at kung kailangan pa ng reinforcement.

Layunin ng pagtaas ng fire alarm ang pag-apula sa apoy sa pinakamabilis na panahon.

Iba-iba ang level nito depende sa assessment ng fire marshal o ng ground commander.

Habang tumataas ang alarm, parami pa nang parami ang kailangang rumesponde.

Mula sa first alarm, pwede itong umabot sa tinatawag na general alarm kung saan lahat na ng available firetrucks ng BFP at mga volunteers sa isang probinsya o rehiyon (halimbawa, Metro Manila) ay pinapatawag na dahil sa sobrang laki at lawak ng sunog.

Halimbawa rito ang naging sunog sa Manila Central Post Office Building sa Maynila ngayong Lunes, May 22, na itinaas sa general alarm. 

Ayon sa datos ng ABS-CBN Investigative and Research Group, may 32,631 firefighters ng BFP sa Pilipinas noong 2022, o isa para sa tig-3,420 tao.

Ayon sa BFP, ideyal lang ang 1 bombero kada 2,000 tao. 

- May ulat ni Andrea Taguines, Patrol ng Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.