PatrolPH

DepEd: Mental health crisis sa mga paaralan, kailangang tugunan

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 02:14 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Aminado ang isang opisyal ng Department of Education na may mental health crisis sa mga paaralan ngayon sa bansa.

Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, 404 na ang naitala na mga estudyante na nagpakamatay, at 2,147 naman ang nagtangkang magpakamatay.

Ang maga datos ay mula sa iba't ibang paaralan, kaya ayon kay Poa, kailangan aminin na mayroong mental health crisis na kinakaharap ang mga paaralan. Nakakalungkot aniya na hindi nabibigyan ng sapat na pansin ang mental issues sa bansa.

Ayon kay Poa, hindi man tiyak ang dahilan, tumaas ang suicide rates nitong nagdaang pandemya. Isa sa mga tinitingnan dahilan ay kawalan ng support system.

Aniya, sana ay mapagtuunan ng pansin ang mental health issues ngayong meron nang face-to-face classes. Kailangan umano paigtingin ang kampanya sa mental heath, at kasama ang bullying sa programa na Oplan Kalusugan ng ahensiya.

Bagamat nagtayo ang DepEd ng learner rights protection office, na siyang child protection unit ng ahensiya, kulang aniya ito sa implementasyon.

May mga hamon din umano pagdating sa pagtatalaga ng guidance counselors, at ang isang problema ay salary grade ng mga ito. Ayon kay Poa, may panukala na magkaroon ng career progression ang mga guidance counselors. 

Sa ngayon, nasa 2,039 ang registered guidance counselors sa DepEd, habang 16,557 guidance officers ay hindi registrado.

Ani Poa, kailangan ang tulong ng mga eksperto pagdating sa mental health issues sa mga paaralan, at kabilang ang teaching and non-teaching personnel dito. - SRO, TeleRadyo, Pebrero 1, 2023


Sa mga gustong humingi ng psychological first aid, kontakin lang ang mental health crisis hotline sa mga sumusunod: 

Mental health crisis hotlines:

 1553
 09663514518
 09178998727
 09086392672

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.