Kawalan ng pondo dahilan ng karahasan sa public schools: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2023 01:02 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Kawalan ng pondo ay nagdudulot ng karahasan sa loob ng mga pampublikong paaralan, ayon sa isang grupo nitong Huwebes

Ayon kay Benjo Basas, chair ng Teacher's Dignity Coalition, hindi masisisi ang mga paaralan kung may nakakapuslit na mga deadly weapons sa loob dahil ang paraan upang makatiyak na walang deadly weapon ay kakapkapan ang mga bata na papasok ng eskwelahan.

Hindi umano ito praktikal dahil maraming paaralan ang malaki ang populasyon. 

Karamihan umano sa mga paaralan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa ay hindi security guard ang tumatayo bilang bantay pero mga local job order lang na kinukuha ng pamunuan ng mga eskwelahan.

Hindi makapag-hire ng security guard, o karagdagang seguridad ang ilang paaralan ay dahil sa kawalan ng pondo.

"Hindi lang pagbabantay ng gate ng paaralan ang tungkulin ng isang security guard, ganon din ang peace and order ng mga pumapasok na mag estudyante," ani Basas.

Ani Basas, maraming guidance counselors ang nagbibitiw sa puwesto dahil sa kakulangan sa sahod kaya maraming paaralan ang walang guidance counselor.

Kamakailan, isang mag-aaral ang sinaksak ng kapwa estudyante sa labas ng classroom nito sa Culiat High School sa Quezon City habang naghihintay magsimula ang mga klase.

Pilit binabalik sa normal ang sitwasyon sa Culiat High School. Para sa isang ahensiya, kailangang tutukan at gabayan ang mga kabataan para mas maintindihan ang pinagdadaanan nila.

Nag-umpisa na ang Culiat High School sa pagbibigay ng psychological debriefing sa mga mag-aaral na nakakita sa pananaksak ng kanilang kaklase.