Magkaibigang surfer, umapela ng tulong para makalahok surfing competition sa Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 06:45 PM

Watch more on iWantTFC

 

MAYNILA -- Umapela ng konting tulong pinansiyal sa publiko ang magkaibigang surfer mula sa bayan ng Baras sa Catanduanes para sa pondo na kanilang gagamitin sa pamasahe at iba pang gastusin patungo sa Borongan sa Eastern Samar para lumahok sa isang surfing competition.

Ayon sa magkaibiangang sina Elvis Legaspi at Robert Timbal, nais nilang ibida ang Catanduanes sa Philippine Surfing Competition Tour sa darating na Disyembre 6 hanggang 12.

“Yung sasalihan naming competition, ito po ay dito lang sa buong Pilipinas, nagra-rank ng Top 1, Top 2…,” pahayag ni Timbal.

Ang PSCT ay ang pinakamalaking national suring competition sa bansa.

“Yung mga Rank 1 hanggang Rank 4, sila 'yung pinaglalaban nila sa ibang bansa,” sabi ni Legaspi.

Sa panayam sa Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ng magkaibigan na halos tatlong taon na silang walang trabaho bilang surfing instructors sa mga dumadayong turista matapos bayuhin ng bagyong Rolly ang kanilang probinsiya at dahil na rin sa pandemyang dulot ng COVID-19.

“Lahat malungkot kasi lahat ng mga resort dito nasira lahat. Simula na noon wala na kaming tinuturuan na mga turista, mga foreigner,” sabi ni Legaspi.

Sa ngayon ang pangkabuhayan ng dalawa ay pangingisda at abaca.

HIgit isang dekada na rin nag-su-surf ang magkaibigan. Sabi nila, sakaling palaring makalahok at manalo, iipunin nila ang premyo mula dito bilang pondo sa iba pa nilang nais salihan ng kompetisyon. 

Nangako naman anila ang lokal na pamahalaan na magbibigay ng tulong at kanilang hinihintay rin ito.

“Baka gusto niyo pong sumuporta po sa aming pagpunta ni Robert Timbal ng Samar. Maraming salamat po,” sabi ni Legaspi.

Sa mga nais na tumulong sa dalawang atleta, maaaring ipadala ang donasyon sa GCash.
 
Elvis Legaspi
GCash: 0995-937-4847
 
- TeleRadyo Nobyembre 25, 2021