PH paddlers defend world record sans travel or food fund

Posted at Jun 21 2011 09:53 PM | Updated as of Jun 22 2011 05:53 AM

Sa maruming tubig ng Manila Bay araw-araw nag-eensayo ang Philippine Dragon Boat team. Pero hindi ito naging hadlang sa grupo para maging back-to-back world champions at world record holder sa dragon boat.

Unang nagkampeon ang mga Pinoy paddlers noong 2007 sa Australia at sumunod noong 2009. Nadepensahan nila ang kanilang world title at nakagawa pa ng bagong world record sa Prague, Czech Republic.

Sa Agosto, kailangan depensahan ng mga Pinoy ang kanilang world title sa Florida pero wala silang pamasahe at allowance para bumiyahe.

“Nalulungkot kami kasi 2-time champion kami pero hanggang ngayon hindi pa din nakikilala ang sport namin,” sabi ng team captain nila na si Usman Anterola.

Minsan kinakapos din sila sa pagkain. Katunayan, nakasama ko sila para manguha ng tahong para lang may makain.

Inuuwi rin nila ito para ipakain sa pamilya.

Idinaing pa ng mga paddlers, halos manlimos na sila makasali lang sa international competition.

Kulang man sa suporta, handa ang dragon boat team na magbigay ng karangalan ang ating mga world champion Pinoy paddlers. Nais lang nilang mabigyan ng pagkakataon na muling makalaban alang-alang sa bayan. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino