PatrolPH

Wakeboarding swak para sa mga Pinoy: 2-time medalist

Champ de Lunas, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2023 06:55 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Bata man o matanda, tiyak mawiwili ang mga Pilipino sa sport na nagbigay ng anim na medalya sa bansa noong huli nating i-host ang SEA Games.

Full-body workout matuturing ang wakeboarding dahil ginagamit ang lahat ng bahagi ng katawan ng sinumang nais sumubok nito.

Pinapalakas nito ang braso’t binti dagdag pa na napapatalas ang isipan dahil napapabuti ang hand-eye coordination.

Pero higit sa lahat, napapaganda ang balance ng katawan kung kaya’t lalakas din ang core muscles.

May ilang aral ding naituturo ang sport na ito para kay world number 2 wakeboarder at 2-time International Waterski & Wakeboard Federation silver medalist na si Raph Trinidad.

"You have to learn how to pick yourself back up, no matter how many times itumba ka niya. Try lang ng try hanggang sa magawa mo," ani Trinidad.

Para sa kaniya, swak na swak sa mga Pilipino ang naturang sport.

"Kung baga 'di tayo gaya ng ibang bansa na may winter time na 4 months, 'di sila makapag wakeboard ng 4 months. Tayo, ang laki ng advantage natin when it comes to water time. Kung baga, 'yung time na makakapag train tayo, whole year round kaya ine-encourage ko talaga lahat ng nanonood ngayon na try niyo wakeboarding," aniya.

Hindi naman masyadong mabigat sa bulsa umano ang pagwe-wakeboard.

Sulit ang P600 hanggang P1,000 na bayad para sa sports at bagong recreational outdoor activity na kawiwilihan lalo ngayong school break.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.