PANOORIN: Workout ni Phil Younghusband at kaniyang magiging misis

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 12:00 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Workout ang bonding ng Azkals player na si Phil Younghusband at ng kaniyang magiging misis.

Noong Pasko, nag-propose ng kasal si Younghusband sa kaniyang nobya sa loob ng dalawang taon na si Mags Hall, isang Filipino-British model na dati ring gymnast at football player.

Kuwento ng football player, ngayong lumipat na sa Pilipinas si Hall, tinutulungan nila ang isa't isa sa kanilang fitness routine.

Lagi silang sabay nagwo-workout.

Dahil may gymnastics background si Hall, very flexible ang kaniyang katawan at flexibility exercises ang kaniyang ibinabahagi kay Younghusband.

Lagi ring kasama ang footwork sa workout, para manatiling mabilis ang paa ni Younghusband para sa kaniyang sport.

Pagdating sa pagkain, mas mahilig na ang dalawa sa diet na mas maraming gulay at prutas at kaunti lang ang karne.

Love life

Nagkuwento rin ang would-be Mr. and Mrs. Younghusband kung paano sila nagkakilala.

Bumibisita kasi noon si Hall, na dating nakabase sa England, sa kaniyang kapatid na si James Hall na naging miyembro na rin ng Philippine Azkals.

Ayon kay Younghusband, extra special ang kaniyang proposal kay Hall dahil ginawa niya ito sa harap ng kanilang buong pamilya noong Pasko.

Kung may maipapayo man ang football player sa mga naghahanap ng kanilang special someone, iyon ay wala raw rules na dapat sundin para mahanap ang 'forever.'

Sabi ni Hall, ang kailangan lang daw ay makilala ang taong laging magpapasaya sa 'yo. 

Pinaplano ng dalawa na magpakasal sa darating na taon, isang seremonya sa England at isa rin sa Pilipinas.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.