Kambal na bulag, matagumpay sa sports

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2017 04:51 AM | Updated as of Jun 29 2017 05:16 PM

Pinatunayan ng magkapatid na visually impaired o bulag na hindi hadlang ang kapansanan para paunlarin ang sarili at abutin ang mga pangarap.

Premature at bulag na isinilang ang kambal na sina Jerome at Joshua Nelmida. Hindi rin naging madali para sa kanilang mga magulang na palakihin sila at umabot pa sa puntong muntik nang mamatay ang isa sa kambal.

“Nakita ko talaga sobrang liit. Sabi ko, kahit anong meron ka, tatanggapin ko, mabuhay lang kayo. During the operation si Joshua palang ‘yung inooperahan, nag-stop [ang] breathing siya,” kuwento ng ina ng kambal na si Anette Nelmida. 

Biyaya naman para kay Annette at tatay ng kambal na si Ric nang mabuhay ang kambal. Mahirap man ang pagpapalaki sa dalawa, hindi sila sumuko at patuloy na sinuportahan ang mga anak.

Samantala, napakilala sa kambal ang sport na swimming nang sila ay papalapit na sa ‘teenage years’. 

Aminado ang kambal na noong una ay takot sila sa tubig pero nagustuhan nila ito sa tulong ng maayos na gabay at pagsasanay.

Kuwento nina Joshua at Jerome, natutuwa sila sa paglangoy lalo na kapag nasa dagat. Umaasa rin sila na mas mapaunlad pa ang sarili sa larangan ng sports na swimming.

Hindi naman nagtagal, nahilig na rin ang kambal sa pagtakbo at pagbibisikleta.

Marami na silang nasalihang kompetisyon at ang pinakahuli ay ang ASTC ParaTriathlon Asian Championship sa Subic kung saan isa sila sa mga kinatawan ng Pilipinas. 

Para kina Joshua at Jerome, hindi man nakakakita, malinaw na walang makakapigil sa kanila para maabot ang kanilang mga pangarap.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.