PANOORIN: Rocket launchers, Bitcoin machines nasamsam sa kulungan sa Venezuela
ABS-CBN News
Posted at Sep 22 2023 07:19 AM
Rocket launchers, sniper rifles, granada at dose-dosenang Bitcoin machines. Ito ang ilan sa mga kontrabandong kagamitan na natagpuan sa isang kulungan sa Venezuela na nakuhang muli mula sa kontrol ng gang.
Mahigit 11,000 pulis at sundalo, na sinuportahan ng mga tangke at armored vehicle, ang sumalakay sa Tocoron prison sa hilaga ng bansa noong Miyerkules.
Ang pasilidad ay matagal nang nagsilbi bilang punong-tanggapan ng Tren de Aragua gang na matagal nang may mga ilegal na operasyon sa Venezuela at iba pang mga bansa sa Latin America.
Ayon kay Interior and Justice Minister Remigio Ceballos, apat na prison guard ang inaresto dahil pinaghihinalaang kasabwat ng mga miyembro ng gang. "There will be no impunity. We will go against all the criminals and accomplices," aniya.
Ipinagmamalaki ng kulungan ang ilan sa mga libangan sa pasilidad tulad ng zoo, pool, gambling room, disco, baseball field at restaurant.
Ang ilang mga bilanggo ay nanirahan doon kasama ang kanilang mga asawa o kasintahan, na pinalayas sa panahon ng operasyon.
Ipinakita ng mga awtoridad sa mga mamamahayag ang mga balde ng bala, machine gun ammunition belt at mga makina na ginamit sa pagmimina para sa cryptocurrency na Bitcoin.
Ang Tren de Aragua ang pinakamakapangyarihang gang sa Venezuela. Mayroon itong mga 5,000 miyembro, ayon sa imbestigasyon ng Venezuelan journalist na si Ronna Risquez.
Isinalin sa ulat ng Agence France-Presse
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
venezuela, prison, contraband, bitcoin, tagalog news