Filipino LGBTQ group sa Europe, nag-abot ng serbisyo sa mga kababayang Pinoy
ABS-CBN News
Posted at Jun 05 2023 02:13 PM | Updated as of Jun 05 2023 06:54 PM
Naghatid ng malasakit ang isang Filipino LGBTQI+ group sa Amsterdam, Netherlands sa kanilang mga kababayang Pilipino na naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng food aid programme.
Ang Filipino LGBT Europe Foundation ay isang registered charity foundation sa Netherlands na pinagtitibay ang mga adbokasiya ng mga LGBTQI+ sa Europa at sa Pilipinas. Mandato ng kanilang grupo na isulong ang karapatan ng kanilang mga miyembro.
Ibinahagi ni Filipino LGBT Europe Foundation Chairman Chris Sta. Brigida na lumawak ang mandato ng kanilang organisasyon ng nagsimula ang pandemya noong nakaraang dalawang taon.
Nagsimula umano sila mag-identify ng mga miyembro na naapektuhan ng pandemya na nakapokus sa vulnerable groups tulad ng matatanda at mga undocumented migrants. Nagbigay sila ng assistance para sa pangunahing pangangailangan ng mga tao tulad ng pagkain, tubig, at kuryente.
Nakapaghatid sila ng tulong sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga fundraising events gaya ng Online Bingo at Zumba.
Kwento ni Chris, nakipagtulungan sila sa iba’t-ibang mga organisasyon sa Netherlands katulad ng Philippine Embassy at Netherlands Red Cross kung saan nakapagbigay sila ng mahigit 25,000 food aid sa loob ng mahigit 2 taon para sa Filipino community.
“Tayo-tayo po ang nagtutulungan kapag nasa ibang bansa. So dahil po dito sa kawalan ng pamilya, lahat po ng ating kababayan ay malapit sa ating puso. Kaya po noong nagkaroon ng sakuna katulad nung sa COVID, nagtulungan po ang bawat isa,” ani Chris.
Aniya, natutuwa siya na maraming volunteers ang nakikiisa sa kanilang programa.
Patuloy pa rin ang suporta ng organisasyon sa mga matatanda na hindi pa makabalik sa trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng food aid, medical check-up, at legal services.
Ayon kay Chris, priority na tulungan ng grupo ang mga matatanda at ang mga may anak na.
“Hindi lang po LGBT ang tinutulungan natin, lahat po ng Filipino na lumalapit sa atin ay tinutulungan natin,” ani Chris.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
lgbt, lgbtq, homosexuality, teleradyo, tagalog news, PRIDE 2023