Batang Tsino, umihi sa elevator, na-trap

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 09:14 PM | Updated as of Feb 28 2018 09:04 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang pag-ihi ng isang batang lalaki sa loob ng elevator sa Tsina. 

Sa video na ini-upload sa YouTube at ipinagamit ng may account nito na “Crazy China Videos,” makikitang matapos pumasok sa elevator ang bata, sadya siyang umihi sa tapat ng mga pinipindot na boton para sa mga palapag ng gusali.

Pero ang hindi marahil inasahan ng bata ay biglang nagpatay-sindi ang ilaw ng mga inihiang boton at ayaw nang bumukas ng pinto ng elevator.

Pilit pang pinindot ng bata ang mga boton na kani-kanina lang ay kaniyang inihian.

Nagtapos ang video na biglang nawalan ng ilaw ang loob ng elevator.

Ayon sa nag-upload ng video, nangyari ang insidente noong Pebrero 23 sa isang paupahan sa Chongqing, China.

Nagloko raw ang koneksiyon ng kuryente sa elevator matapos ang pag-ihi ng bata.

Sinaklolohan din ang bata ng security team ng building, kaya ligtas siyang nakalabas sa elevator.

Nang kumalat naman sa Tsina ang video ng insidente, maraming netizens ang bumatikos sa anila’y pagiging “spoiled” ng ilang bata sa Tsina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.