7 Partas bus suspendido dahil sa aksidente noong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 08:04 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Pinatawan na ng preventive suspension ang Partas bus company matapos maaksidente ang isang unit nito noong Pasko sa Agoo, La Union, sabi ng isang opisyal, Huwebes.

Saklaw ng 30-araw na suspensyon ang 7 Partas bus na may rutang Pagudpud, Ilocos Norte - Sampaloc, Maynila, sabi ni Aileen Lizada, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Dalawampu ang nasawi, kabilang ang isang sanggol, habang 25 ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang Partas bus at jeep nitong Lunes. 

Kapwa iginigiit ng 2 sangkot na driver na naaksidente sila dahil nag-overtake ang kabilang sasakyan. 

Sinuspinde ang Partas dahil sa kabiguang i-convert ang memory card na naglalaman ng kuha ng dashboard camera sa naaksidenteng bus, ani Lizada.

Nagsumite naman aniya ang Partas ng kuha ng CCTV footage mula sa loob ng bus, pero hindi makikita rito ang aktwal na aksidente. 

"Kailangan po kasi naming makita iyung sa labas, iyung actual accident, how busy the street was, ilan ang sasakyan na naroon, sino ang last chance na makaiwas sana," paliwanag ni Lizada sa panayam ng DZMM. 

Iniimbestigahan din aniya ng LTFRB kung may alternate driver ang naaksidenteng bus. 

Kailangang may kahilili ang mga driver ng mga biyaheng mahigit 6 na oras, batay sa isang memorandum circular ng ahensya. 

DZMM, 26 Disyembre 2017 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.