Netizens, tumulong mahanap ang nawawalang dalagita

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:28 PM

Watch also in iWantTFC

Nagpasalamat ang pamilya Policarpio sa mga netizen na tumulong sa pagpo-post sa social media para mahanap ang anak nilang si Ica. 

Sabado, Disyembre 23, nang mag-post sa Facebook si Jaypee Agencia alyas Archie Delos Santos na nakita niya ang 17 anyos na si Ica Policarpio na umiiyak at nakaupo sa isang bangketa sa San Pablo, Laguna. 

Hindi pa raw niya alam noon na siya ang nawawalang dalagitang taga-Muntinlupa mula noong Huwebes, Disyembre 21.

Inakala raw niyang napagsaraduhan lang ng gate si Policarpio kaya siya malungkot. 

Habang nagse-selfie naman ang magkaibigang Yra Reyes at Danica Bragado sa isang coffee shop sa San Pablo, aksidenteng nakuhanan si Policarpio na nakaupo malapit sa kanilang mesa. 

Sa social media na lang nila napagtanto na posibleng si Policarpio ang nakita nilang babae sa kapihan at ipinost ang retrato sa Twitter.

Kuwento ni Reyes, nag-alinlangan sila noong una dahil baka magkamali at makagulo sa paghahanap kay Policarpio.

Nakipag-ugnayan ang pamilya Policarpio sa mga netizen at kinuhanan ng detalyeng ipinasa naman sa mga awtoridad. 

Bisperas ng Pasko, Disyembre 24, nakita ng isang tricycle driver si Policarpio at agad nag-report sa barangay at pulisya.

Bago naibalik sa pamilya ang nawawalang dalagita, bumuo ng task force ang Southern Police District para mahanap siya.

Kumilos din ang National Bureau of Investigation para mahanap ang dalagita.

Maging ang media ay tumulong ring maipakalat ang larawan ni Policarpio.

Nagpasalamat ang pamilya sa mga netizen sa kanilang tulong, lalo't noong nawawala pa si Policarpio ay may mga masasamang loob na naglabas ng pekeng impormasyon na nadukot ang dalagita.

Ikinatuwa rin ng mga tumulong na netizen ang muling pagkikita ni Policarpio at ng kaniyang pamilya.

Umapela naman ang pamilya Policarpio na respetuhin ang kanilang desisyon na huwag munang magpaliwanag kung bakit at paano napunta ang dalagita sa San Pablo. 

Kasabay ng balita, kumalat naman sa social media ang balita sa ibang bansa tungkol sa 48-hour challenge kung saan nagkukunwari ang mga kabataan na sila ay nawawala para magpaligsahan sa paramihan ng likes at share sa social media.
 
Hindi pa masabi ng NBI kung ganito ang nangyari kay Policarpio pero ayon sa kanila, bibigyan nila ng pagkakataon ang pamilya Policarpio para magbigay ng salaysay sa nangyari. 

Wala namang nakikitang senyales na kidnapping o pagdukot ang nasa likod ng biglaang pagkawala ng dalagita, ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde sa isang press conference nitong Disyembre 24.

"As of now, wala talagang signs of kidnapping, based on our investigation doon sa mga pangyayari," ani Albayalde. "Ang tinitingnan lang natin dito kung may nag-udyok sa bata na maglayas or pumunta dito, pumunta doon."

-- Ulat nina Niko Baua at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.