Mga abandonadong lolo't lola, pinasaya ng isang pamilya

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:11 PM

Watch also in iWantTFC

Pagbibigayan ang isa sa mga kahulugan ng kapaskuhan.

Ito ang gustong isabuhay ng isang pamilyang nagabahagi ng tulong at panahon sa isang home for the aged.

Para kasi sa pamilya Carbungco, kahit pa sabihing ang Pasko ay para sa mga bata, dapat pa ring bigyan ng dahilan para maging masaya ang mga nakatatanda kahit pa itinuturing silang nasa dapithapon na ng kanilang buhay.

Kasama ang ilang kaibigan, dinalaw ng pamilya ang mga matatanda ng Golden Reception and Action Center for the Elderly and other Special Cases (GRACES). 

Ayon kay Grace Carbungco, nais lang nilang ibahagi ang mga biyayang natatanggap nila sa mga lolo at lola ng GRACES na ang ilan ay nakalimutan na ng sarili nilang mga pamilya.

Bukod sa pagkain, namigay din ang pamilya ng toiletries at gamot para sa mga nakatatanda.

Isa sa mga residente ng GRACES ang 64 anyos na si Rafael Galvez na hiwalay sa pamilyang nasa Cebu.

Sabi niya, malaking bagay ang ginawa ng pamilya Carbungco dahil kahit paano'y naiibsan ang kanilang kalungkutan.

Bukod sa palaro at pagkain, may simpleng pagtatanghal ding hatid ang pamilya para sa mga lolo at lola.

Tinatayang 270 ang mga nakatira sa GRACES, at ang ilan sa kanila ay bedridden na.

Bukod sa materyal na tulong, natutuwa ang mga lolo at lola sa GRACES na sa pagbisita sa kanila ay mayroon silang nakakausap na tila nagpapaalala sa kanila na hindi sila nakalilimutan ng lipunan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.