PatrolPH

Christmas rush: Batangas Port dinudumog; tickets sa ilang biyahe nagkakaubusan

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2022 12:51 PM | Updated as of Dec 23 2022 05:27 PM

Watch more on iWantTFC

Dumagsa na sa Batangas Port Passenger Terminal ang mga pasaherong pauwi sa island provinces, 2 araw bago mag-Pasko. 

Mahaba ang pila at siksikan na rin sa mga ticketing booth. Halos hindi na rin makagalaw ito sa dami ng tao. 

Marami ang nagmamadali na makauwi sa kanilang mahal sa buhay. 

Pero ang pananabik na makapiling ang kanilang pamilya, napalitan pa ng init ng ulo dahil halos 5 oras na naistranded ang mga pasaherong patungong Caticlan. 

Alas-9:30 na ng umaga sana ang biyahe pa-Caticlan pero dumating ang barko na kanilang sasakyan sa Batangas Port ng pasado alas-9 ng umaga. 

"Sobrang hirap po kuyang kasi kanina pa kaming alas-2 ng madaling araw dito, ilang oras na kami nadelay tapos mag-a-add pa sila ng 4-5 hours na delay sa biyahe namin. Hindi namin alam kung ano oras kami makakarating sa probinsya," kuwento ng pasaherong si April Rose Nicolados.

Sabi ng Philippine Ports Authority, tinutulungan na ng shipping lines ang mga pasahero. 

“Mayroon naman tayo na sinusunod na passenger bill of rights para sa mga kababayan natin na nastranded na wala naman sa kasalanan nila, so makikipag-ugnayan tayo sa mga shipping lines para at the very least mabigyan sila ng makakain," ani PPA General Manager Atty. Jay Santiago. 

Naipon din ang mga pasahero ng Fastcraft matapos makansela nitong umaga ng Biyernes ang biyahe dahil sa gale warning. 

Malalakas ang alon kaya hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard na makabiyahe ang mga Fastcraft pa-Calapan at Puerto Galera. 

Dahil sa buhos na pagdating ng mga pasahero, marami ang nahihirapan nang bumili ng ticket. 

Ilang oras din ang titiisin ng mga uuwi na may dalang sasakyan dahil mahaba na rin ang pila papasok ng Batangas Port. 

Nasa 13 barko ang naglalayag mula Batangas Port kaya naaantala ang biyahe ng mga pasahero kapag peak season. 

Ang solusyon ng PPA: dagdagan pa ang barko at pabilisin ang kanilang biyahe. 

Nagpaalala rin ang PPA na huwag munang mag-uwi ng pork products, partikular na sa Mimaropa dahil sa banta ng African swine fever. 

Inaasahang bubuhos pa ang mas maraming pasahero sa mga susunod na araw dahil huling araw na ng trabaho ng mga empleyado bago mag-Pasko. 

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.