PatrolPH

Kalsada sa Las Piñas madaraanan na matapos makumpuni bumagsak na poste

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 11:42 AM

Watch more News on iWantTFC

Matapos ang halos 12 oras o kalahating araw, nadadaanan na rin ng mga sasakyan ang J. Aguilar Avenue o CAA Road na tagusan sa pagitan ng Parañaque at Las Piñas. 

Hinarangan ang kalsada dahil sa magdamag na pag-aayos ng mga tauhan ng Meralco sa bumagsak na mga electric post at kable Martes ng gabi. 

Nawalan ng kuryente sa lugar at nasira pa ang ilang sasakyan dahil sa insidente. Ito’y matapos na mahagip ng isang cement mixer truck ang mga kable ng kuryente. 

Kinailangang palitan ang bumagsak na poste para maiangat uli ang mga nalaglag na kable at transformer.

Dahil dito, naperwisyo ang mga motorista na bumabaybay ng CAA Road mula Dr. A Santos Avenue sa Parañaque o Alabang Zapote Road sa Las Pinas. 

Tanging pedestrian at siklista ang pinadaan lang sa gilid at pinatigil na rin sa barrier ang mga tricycle kaya doon na bumaba ang mga pasahero.

Nagpumilit pa ang ilang motorsiklo na lumusot pero nabigo rin. 

Bandang alas 7:15 ng umaga natapos na rin ang pagkumpuni ng Meralco at pinayagan nang dumaan ang lahat ng motorista.

- TeleRadyo 23 Disyembre 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.