'Trapiko babagal pa simula bukas hanggang Jan. 1'

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 12:04 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

“Carmaggedon” kung tawagin ng netizens ang lagay ng trapiko sa Metro Manila lalo na tuwing kapaskuhan at lalala pa ito simula ngayong Biyernes, Disyembre 22, hanggang Bagong Taon, ayon sa navigation app na Waze. 

Wala namang pangontra rito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa katunayan ay mas mahaba pa ang tingin nilang dagdag-oras na kalbaryo sa Edsa.

Ayon sa kanila, pinakamabigat ang traffic mula alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Kumpara noong 2016, nasa 45,000 din kasi ang nadagdag na bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa EDSA, weekend bago ang Pasko.

“Twelve percent increase po ‘yon at ang kapasidad po ng EDSA ay 260,000, halos kalahati na po,” ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA. 

Samantala, ayon sa Araneta Center Bus Port at Bus Station, nasa 6,500 na pasahero ang paluwas ng Maynila ngayong Huwebes at dagsa pa ito sa Biyernes at sa Sabado kung kailan mas marami na ang nakabakasyon. 

Bukod sa dami ng papaluwas, marami rin ang papasok ng Metro Manila ngayong Pasko kaya naman tututukan din ito ng MMDA.

“Hindi lang ho sasakyan, sana ho pati ho driver well-conditioned… Kapag nakainom akala niyo ho normal ka pang nagda-drive pero ho ang isip niyo wala na sa katamaan yan, baka mag-cause pa kayo ng accident,” apela naman ni Pialago.

Binibigyang-pansin din naman sa Araneta Center Bus Station ang mga nakainom na driver at bumisita rito ang Land Transportation Office (LTO) ngayong Huwebes dala ang breath analyzers. 

Bukod pa ito sa masinsinang pag-check ng mga bus bago bumiyahe.

May mga police assistance desk din sa Araneta Center Bus Station at maaaring humingi ng tulong sa hotlines ng Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine National Police (PNP).

Hotline numbers

DOTR -- (02)7890
LTFRB 24/7 -- 1342
PNP -- 117

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.