‘Para kaming pulubi’: Pagkain, tubig hiling ng mga nasalanta ng bagyo
ABS-CBN News
Posted at Dec 21 2021 10:45 AM
MAYNILA - Marami pa ring mga residente sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Odette ang naghihintay na maabutan ng tulong tulad ng pagkain at tubig na maiinom.
Ayon kay Jasmin Aquino, residente ng Barangay Lahug sa Cebu City, wala pang dumarating na tulong sa kanilang lugar.
“As of now po wala pa pong dumarating na tulong dito sa amin po.
May mga nagbibigay ng relief goods pero hindi po sapat po sa pang araw-araw namin. Parang naging pulubi kami dito,” sabi ni Aquino.
Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Aquino na may mga kapitbahay silang nagaabot ng pagkain at tubig na maiinom.
Naghahanda na rin aniya siya para makitira muna sa mga kamag-anak na malapit sa lugar dahil nasira ang kanilang bahay.
“Sobrang lakas ng hangin nabuwag po lahat, natamaan ng puno 'yung bubong po namin kaya nagkawasak-wasak ang bahay po namin,” sabi niya.
Ganito rin ang sitwasyon sa lugar ni Raphael Trinidad de Guzman sa bayan ng Roxas sa Palawan.
“Sa ngayon po wala pa kaming nakukuhang tulong pa mula sa provincial government at national government ngunit nabalitaan na namin na may paparating na po,” sabi ni De Guzman.
Sa kwento ni De Guzman sa TeleRadyo, lubos na apektado ng bagyo ang mga coastal barangay.
“Halos po lahat ay washed out talaga at dahil sa ang Roxas ay minsanang dinadaanan ng bagyo pero hindi ganun kalala kaya medyo hindi handa ang mga tao sa pagdating ng bagyong Odette,” sabi niya.
May mga residenteng nagsibalikan sa kanilang mga bahay para maglinis at maghanap ng mga gamit na maisasalba. Pero sa mga evacuation centers tulad ng mga barangay hall umano nananatili ang mga nasalanta ng bagyo.
Wala pa ring kuryente sa lugar.
“Sa pagkain po medyo alanganin dahil ang tulay na nagkokonekta sa siyudad ng Puerto Princesa at aming bayan ay nagkaproblema dahil sa mga troso at naputol po ang mga tulay na iilan ngunit gumagawa na po ng aksiyon ang DPWH para po pagbabalik ng daanan at mga tulay sa Roxas,” sabi niya.
Maging ang pananim na bigas ay nasalanta na rin.
“Inaasahan magbibigay ng tulong ang national government lalo na sa pagkain, tubig,” sabi niya. “Kabutihang palad po, ang mga mamamayan ng Roxas, Palawan ay nagtutulong-tulong po at mga private sector para magkaroon ng pantawid-gutom kumbaga ang taga bayan ng Roxas.”
Nasa mga lima na umano ang bilang ng mga residenteng nasawi sa bagyo sa kanilang bayan.
“Meron pong mga namatay dahil sa pagliligtas ng kanilang properties, mga bangka po. Dahil sa gustong mailigtas ang kanilang kabuhayan talagang nasakripisyo ang kanilang mga buhay,” sabi niya.
Sa Tagbilaran City sa Bohol, magdamag na pumipila ang mga tao sa money remittance center, ATM, gasolinahan at maging sa mga grocery.
Ayon kay Glyza Pauyon, hanggang dulo na ng kalsada ang pila ng mga taong nais na mag-claim ng pera sa isang money remittance center sa lugar.
“'Yung traffic po kahapon was like worse than in the Manila. 'Yung taga ibang bayan nagpupunta ng Tagbilaran to claim money kasi wala pang open doon sa kanila,” sabi ni Pauyon.
May ilang ATM umano ang bukas pero halos anim na oras ang paghihintay sa pila para makapag-withdraw.
Halos ganito rin ang sitwasyon sa mga gasolinahan sa lugar.
“Sa mga gasoline station po may ibang tao doon na mismo natulog para sa gasolina po,” sabi niya.
Nagkakaroon na rin umano ng panic buying sa mga grocery na bukas.
“That’s the main problem because water shortage and food shortage. Panawagan ko lang sana 'yung may mga pera, sana naman 'yung mga mamimili na konti lang ang pera ay tirhan naman nila. People are now in panic buying. Halos nagkakaubusan na po. Sana doon may mga pera na tirhan naman ang mga konti lang ang budget,” sabi niya.
- TeleRadyo 21 Disyembre 2021
Bagyong Odette, Typhoon Odette, Tagbilaran City, Bohol, Cebu City, Palawan, TeleRadyo