PatrolPH

4 pulis na nagnakaw umano ng P30M inilagay sa restrictive custody

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2021 06:33 AM

Watch more News on iWantTFC

Inilagay na sa restrictive custody ang 4 na personnel ng Taguig City police station dahil sa pagkadawit sa umano’y robbery sa isang Japanese at ng kanyang Filipina partner sa Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na si Jayson Bartolome, Merick Desoloc, Christian Jerome Reyes, at Pat Kirk Joshua Almojera.

Hinuli rin si AJ Mary Agnas na sinasabing nagtatrabaho para sa mga biktima, habang ang isa pang suspek na si Jhon Carlo Atienza ay natagpuang patay sa kanto ng Kalayaan Avenue at Tolentino Street sa Barangay Pinagkaisahan, Makati City noong Biyernes ng gabi.

Batay sa kuha ng CCTV ng barangay, nahulog ang katawan ni Atienza sa motor na tila wala ng buhay. 

Nahulog rin mula sa sasakyan ang pera na nasa sako at isang baril.

Dumiretso naman ang motorista sa Kalayaan patungong EDSA. 

Dalawa pang mga suspek ang hindi pa natatagpuan. 

Batay sa imbestigasyon ng NCRPO, pinasok ng mga suspek ang bahay ng magpartner sa Barangay Kapitolyo at tinutukan sila ng baril.

Pinilit umano ng mga suspek ang dayuhan na buksan ang vault na may lamang cash na nasa PHP30 million. 

Kinuha rin sa biktima ang isang mamahaling mobile phone.

Agad namang nakapag sumbong ang mga biktima sa Barangay Kapitolyo. 

Mabilis rumesponde ang mga awtoridad at hinabol ang patakas na mga suspek na sakay ng motorsiklo papunta sa Sta. Monica sa Brgy. Kapitolyo.

Ayon sa report ng Pasig Police, nakipagbarilan sa rumespondeng pulis sa barangay ang mga suspek na naging dahilan ng pagkasugat ni Bartolome at pagkamatay ni Atienza. 

Habang tumatakas sinubukan pa ng mga suspek na itapon ang bahagi ng umano'y ninakaw nilang pera.

Dalawa sa mga suspek ang nag -iwan ng sinakyang motor, umakyat sa gate sa may West Capitol Drive at tumangay ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng BGC o Makati. 

Natimbog naman sa follow-up operation si Reyes at ni Agnas habang si Desoloc at Almojera ay sumuko sa Taguig CPS. 

Ang commander ng Taguig City Sub-Station 1 ay isinailalim na sa administrative relief para maiwasang maimpluwensyahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.

ABS-CBN TeleRadyo, December 20, 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.