Taong nandura, nanampal, maaari bang kasuhan?

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 01:44 PM

Watch also in iWantTFC

Maaaring kasuhan ang mga taong gumawa ng pananakit sa iba sa isang pampublikong lugar, lalo na kung ang layunin nito'y ibaba ang dignidad ng biktima.

Tinalakay sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM nitong Martes ang reklamong "slander by deed."

Bukod sa paninirang puring inilathala (libel) at paninirang puring idinaan sa pananalita (oral defamation), posible ring ireklamo ang taong pisikal na nananakit para ipahiya ang isang tao sa harap ng nakararami.

"‘Pag ginamit mo aksyon, ginamit mo ‘yong pisikal para ikaw ay maka-ridicule ng isang tao, o i-debase mo o pababain mo ang kaniyang intregidad, iyan ay slander by deed," ani Atty. Claire Castro.

Ilan sa mga halimbawa nito'y pananampal, pandudura at maging ang pag-dirty finger.

Nilinaw ni Castro na kapag nakapagdulot ng ibang danyos, iba na ang maaaring ikaso sa salarin.

"Kung sinampal not purposely para mamahiya, kung hindi para manakit at ikaw ay natanggalan ng ngipin, serious physical injury [na ang kaso]," halimbawa ng abogada.

"Depende kasi sa kung ano ang elemento," ani Castro.

Maaaring patawan ng arresto mayor o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan ang isang taong nagkasala ng slander by deed, o piyansang naglalaro sa P200 hanggang P1,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.