POGO workers parokyano ng 2 sinalakay na prostitution den: imbestigador

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 10:03 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Karamihan sa mga parokyano ng 2 prostitution den na sinalakay ng mga awtoridad ngayong linggo at pinapatakbo ng ilang Chinese ay kanilang mga kababayan na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs, sinabi ng National Bureau of Investigation, Miyerkoles.

Inaresto ng NBI nitong Martes ang 15 Chinese operator ng mga prostitution den na nakakubli sa isang condominium sa Las Piñas at hotel sa Alabang, Muntinlupa. Nasagip doon ang 17 na babaeng Chinese.

Hindi tumatanggap ng mga Pilipinong kustomer ang 2 lugar, ani NBI Anti-Organized Transnational Crime Division chief Joel Tovera.

"Mas marami ang empleyado ng POGO na nagpupunta sa mga lugar na ito," sabi niya sa panayam ng DZMM.

Pinangakuan ng mga suspek ng trabaho sa mall ang mga babaeng biktima, pero kalaunan ay kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at ibinugaw sila sa mga kapwa Chinese, dagdag ng opisyal.

Inaalam aniya ng NBI mula sa Bureau of Immigration kung pumasok ang mga suspek sa Pilipinas bilang turista.

Iimbestigahan rin aniya ng ahensya ang may-ari ng condominium sa Las Piñas. Nakipagtulungan naman sa mga operatiba ang pamunuan ng sinalakay na hotel sa Muntinlupa.


DZMM, Disyembre 18, 2019

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.