Binabantayang LPA, 'tatama sa Pasko'

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 09:51 PM

Watch also in iWantTFC

Anim na beses nag-landfall ang bagyong "Urduja" nang lumakas ito mula sa pagiging isang low pressure area (LPA) noong Martes, Disyembre 12.

Sa sobrang bagal ng kilos ng bagyo, ilang araw itong nanatili sa bansa kaya maraming lugar ang lumubog sa baha. 

Inaasahan namang mababawasan na ang pag-ulan sa mga darating na araw sa mga lugar na pinakabinayo ng bagyong Urduja tulad ng Samar, Leyte, at Biliran.

Gayunman, may tiyansa pa rin ng panaka-nakang pag-ulan.

Magiging maulan pa rin sa Palawan kung saan nakataas pa rin ang storm warning signal No. 1 sa inilabas na 5 p.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.

Inaasahang lalabas ang bagyong Urduja ng Philippine Area of Responsibility sa Martes, Disyembre 19.

LAGAY NG PANAHON SA PASKO

Naging LPA naman ang isa pang bagyong binabantayan ng PAGASA.

Pero patuloy itong sinusubaybayan ng ahensiya dahil inaasang papasok pa rin ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong linggo.

Ayon sa PAGASA, mataas pa rin ang tsansang lalakas pa ulit ito dahil nananatili pa sa dagat. 

Sa forecast ng PAGASA, posible itong pumasok ng PAR sa weekend at tatama sa Mindanao o Eastern Visayas sa araw ng Pasko. 

Pero sa forecast track naman ng The Weather Company, papasok na ito ng PAR sa Miyerkoles at tatama sa Mindanao sa Biyernes, Disyembre 22.

Inaabisuhan naman ang mga taga-Metro Manila na paghandaan ang malamig at maulang panahon dahil sa amihan.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.