Higit 98K katao lumikas dahil sa bagyong Odette: NDRRMC

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2021 07:19 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Higit sa 98,000 residente ang nailikas nang maaga mula sa mga lugar na peligroso sa pagbaha, daluyong o pagguho ng lupa na epekto ng bagyong Odette.

“Currently, ang na-count nating preemptive evacuation ay 98,091 katao from Central Visayas, Eastern Visayas, Region 10 in Mindanao and Caraga Region,” sabi ni Mark Timbal, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMC).

Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng hapon, sinabi ni Timbal na kasalukuyang nanunuluyan ang mga inilikas na residente sa mga evacuation centers na pinamamahalaan naman ng mga local government units.
 
“Ang unang dineploy na assistance sa ating mga kababayan ay mula sa stockpile ng ating mga local government units,” sabi ni Timbal.

Tiniyak naman ni Timbal na sapat pa ang stockpile ng food at non-food items ng national government at maging ang standby fund nito.

“Standby fund ay umaabot pa po ng more than P900 million worth of items and funding at ito po ay for immediate deployment kapag humingi ng karagdagang supplies ang ating mga LGUs kaagad natin itong maipapadala sa kanila,” sabi niya.

Ayon sa PAGASA, naka dalawang landfall na ang bagyong Odette, una sa Siargao tapos ay sa Cagdianao, Dinagat Islands.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 195 kilometers per hour at bugso na aabot sa 270 kph.

“Ang ating paalala dyan sa mga kababayan natin, ang mata ng bagyo nandyan ang pinakamalalakas na hangin kaya 'yung destructive winds po ang siyang makakapagdulot ng mga pinsala doon sa mga light materials, sa iba’t ibang lugar na kaniyang dadaanan,” paliwanag ni Timbal.

Hiling niya sa mga residente na sundin ang kautusang lumikas sa mga peligrosong lugar.

“Please make sure na nasunod natin ang abiso na ito ng ating LGU. Kung hindi man po, siguraduhin natin na we’re safe indoors kasi ang falling debris 'yan po ang nagiging common na disgrasya sa mga kababayan natin kapag ganitong panahon,” sabi niya.

- TeleRadyo 16 Disyembre 2021