‘Salute ako sa iyo’: Rider, nagpasalamat sa nagsauli sa nalaglag na wallet

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2020 07:48 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Laking pasalamat ng isang delivery rider matapos na maisauli sa kaniya ang wallet na nalaglag sa biyahe sa Cavite noong Disyembre 12.

“Hindi siya nagka-interes doon sa laman. Nagpapasalamat ako sa kabutihang ginawa mo na tumulong sa kapuwa. Salute ako sa iyo, pati pamilya ko at mga kaibigan ko,” sabi ni Tirso Plazos Jr.

Naibalik din ng araw na iyon kay Plazos ang kaniyang wallet na napulot ni Alex Crisologo sa crossing ng Barangay Anabo sa Imus.

“Nakita ko wallet. Tapos may nagkalat na ring pera sa kalsada. Saka ko kinuha. Ang una ko pong ginawa, tiningnan ko identification, yung ID niya kung saan ko siya pwedeng makontak. Yung contact person, ‘di na active yung number,” sabi ni Crisologo sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga.

Dahil dito, humingi siya ng tulong sa netizen sa social media para maiparating ang impormasyon kay Plazos.

Nasa higit P12,000 ang laman ng wallet ni Plazos na ipinakikisuyo sa kaniyang ipahatid sa pamilya ng kaniyang pinsan.

“Malaking pasalamat sa Panginoon na may mabuting tao pa rin na tumulong sa akin para maibalik sa akin ang pera,” sabi ni Plazos.

Nagkita silang dalawa noon ding araw na iyon.

Malaki rin ang pasalamat ng dalawa sa tulong ng netizens na nag-share ng impormasyon sa social media para maibalik ang pitaka kay Plazos.

“Doon ko naramdaman na marami pa ring concerned sa ating mga kababayan,” sabi ni Crisologo.

Para kay Crisologo, hindi basehan kung ano ang estado sa buhay ng tao para tumulong.

“Kumbaga po, bukal sa ating kalooban, maliit man, basta taos sa ating puso,” sabi niya.

- TeleRadyo 15 Disyembre 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.