Pagbutihin ang kalusugan, huwag agahan ang pagiging senior citizen, hirit ng abogado

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2022 01:16 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Mas maiging pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang pagpapabuti ng kalusugan ng mga senior citizens, ayon sa isang abogado.

Ang pahayag na ito ni Atty. Romulo Macalintal ay kasunod ng panukala ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na pababain ang edad ng mga itinuturing na senior citizens sa 56 mula 60.

“Ang sinasabi nila, dahil daw sa life expectancy namin ay 72 lamang, kaya habang maaga pa ay dapat mag-enjoy,” ani Macalintal.

“Eh kung yan po ang purpose nila, ehang dapat nating pagbutihin yung nutrition program, yung mga health programs para sa mga senior citizens, yung mga tumatanda na. Hindi yung gagawa ng mga panukala na hindi naman maipatutupad kaagad ‘no.”

Ani Macalintal, maraming mga panukalang inihahain para sa mga senior citizens, pero ang ilan sa mga ito ay hindi na nagiging batas.

“Palagay ko eh ang dami-dami nang batas para sa mga senior citizens na puro panukala lamang, hindi naman natutupad. Yun na lamang sa mga centenarians, pinangako nila pag 80 years old above tatanggap na, eh yun ang mga panukala lamang,” kuwento niya.

“Doon ako nagdaramdam kasi saka kaming mga senior citizens, yung mga gumagawa sila ng mga panukala na akala mo ay may katotohanan, pero hindi naman masyado napag-aaralan.”

“Kaya hindi dapat gumagawa ng mga ganyang panukalang batas, kung wala rin namang mangyayari,” aniya. 

Para sa abogado, tila hindi masyadong napag-isipan ang panukala ni Revilla.

“Masyado namang mababa 'yan atsaka palagay ko hindi masyado napag-aralan yan, o kaya’y ill-advised ang mga nagpapanukala niyan. Dahil sa parang binibigyan lamang nila ng false hopes, yung maling pag-asa at maling pananaw ang mga kababayan natin na 56 years old na silaý maaaprubahan.”

Hamon pa niya, “Kung yan ay talagang ahalaga o napag-aralang mabuti, eh hinahamon ko yung mga authors ng nasabing panukala na hilingin sa Pangulong Marcos na gawing urgent bill yan ‘no, para ay maisakatuparan.”

--TeleRadyo, 9 Disyembre 2022