Batang suspek sa pangmamartilyo sa ina, ama sasailalim sa neuro-psychiatric exam
ABS-CBN News
Posted at Dec 09 2021 09:50 AM
MAYNILA - Isasailalim sa neuro-psychiatric test ang 16 taong gulang na batang lalaking minartilyo ang sariling mga magulang sa bayan ng Anini-y sa Antique.
"Ang findings ng ating MHO (Municipal Health Office) nagsa-suffer ng depression yung CICL (child in conflict with the law) at nai-refer na po for neuro-psychiatric evaluation," sabi ni Police Major John Paul Guay, hepe ng Anini-y Municipal Police Station.
Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Guay na nasa pangangalaga na ngayon ng Department of Social Welfare and Development ang bata.
Ang lolo umano ng suspek ang nagtungo sa pulisya para ireport ang krimen na ginawa umano ng kaniyang apo sa kaniyang mga magulang noong Sabado ng hapon.
Napag-alaman na nagalit umano ang suspek dahil hindi siya pinapalabas sa kanilang bahay ng kaniyang ina at nakatutok lang sa pag-aaral.
"Nape-pressure din ng nanay para ma-maintain grades
, matalino itong CICL natin at honor sa kanilang school po. Dahil sa pressure, hindi pinapalabas para makatutok sa pag-aaral, walang outlet yung CICL natin sa mga kaibigan, sa labas. Nag-aaral lang. Sa balita natin naabot ng madaling araw sa pag-aaral yung bata," sabi ni Guay.
Naunang minartilyo ng bata ang kaniyang ina na ikinamatay nito. Minartilyo din niya ang ama nang makauwi ito mula sa trabaho. Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang kaniyang ama.
"Sa mga kaibigan niya nung inimbitahan siyang lumabas sabi niya patayin ko muna nanay ko para libre na ako," kwento ni Guay.
Saglit na nakatakas ang suspek dala ang nasa P14,000 na pera ng kanyang mga magulang matapos ang krimen pero naaresto rin siya makalipas ang isang araw sa isang border control checkpoint.
- TeleRadyo 9 Disyembre 2021
Antique police, DZMM, Anini-y krimen, minartilyo magulang, TeleRadyo