PatrolPH

P884,000 halaga ng shabu nasabat sa Quiapo; tanod, 8 suspek arestado

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2021 10:13 AM

Watch more on iWantTFC

Huli sa akto ang siyam na katao na nag-aabutan ng iligal na droga sa Quezon Boulevard sa Quiapo, Maynila.

Nakatanggap ng report ang Sta. Cruz Police na may nangyayaring iligal na transaksyon sa lugar bandang alas diyes kagabi.

Kumpiskado sa grupo ang siyam na plastic ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P884,000.

Arestado ang umano’y supplier ng shabu na si alyas Luz at kasamahan niyang si alyas Bilen.

Ayon kay Pltcol. John Guiagui, itinuturo na si alyas Luz na pinagkukuhanan ng supply sa Baseco ng mga nauna nang nahuling drug suspect.

Dismayado naman ang hepe ng Sta. Cruz Police nang malamang isa sa mga naaresto ay barangay tanod pa sa Sampaloc.

Kinilala siyang si Bobby Swing, tatlong taon na sa serbisyo sa Barangay 554 at aminadong dalawang buwan na mula nang pasukin niya ang pagtutulak ng droga.

Huli ring umiiskor ang kanilang mga parokyano na mga miyembro ng Bahala Na Gang, Batang City Jail, Commando Gang, at Sputnik Gang.
Tatlo sa kanila ang kasama pa sa drugs watchlist.

Isang 15 anyos na binata naman na inabutang kasama ng grupo ang ituturnover sa DSWD.

Sa imbestigasyon, umaabot sa iba’t ibang parte ng lungsod ang pagbebenta nila ng droga. 

Mga taga-barangay, tricycle driver, tsuper at mga nagtatrabaho sa palengke ang karaniwan nilang mga parokyano.

Walang piyansa ang kasong pagbebenta ng iligal na droga ng haharapin ng walong inaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.