Chinese kinidnap umano ng kapuwa Chinese sa Pasay

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2021 09:59 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Huli ang isang Chinese national matapos akusahan na dinukot niya umano ang kapuwa Chinese sa Pasay City.

Ayon sa Pasay police, nagsumbong sa kanilang Investigation and Detective Management Section ang isang Chinese na sinabing dinukot umano ang kaibigan niya Lunes ng umaga. 

Tumawag din aniya ang suspek sa kaniya para humingi ng ransom kapalit ng pagkalaya ng kaibigan.

Nagtungo ang mga pulis sa lugar kung saan dapat magbibigay ng ransom sa suspek. Positibo ring itinuro ng testigo ang sasakyan ng suspek. 

Hinarang ng mga pulis ang sasakyan at pinababa ang suspek. Nakita rin sa loob ng sasakyan ang Chinese na biktima na nakagapos ng packaging tape ang mga kamay.

Nakuha rin sa sasakyan ang isang glass tube na may hinihinalang shabu residue at plastic na may hindi pa matukoy na mga capsule.

Tumanggi na magsalita ang biktima at ang suspek. Inaalam rin ng pulis kung bakit dinukot ang biktima.

Nakapagtala na ang pulis ng ilang mga kaso ng pangingidnap ng Chinese ng kapuwa Chinese nitong nakalipas na mga taon at karamihan ay sangkot sa sugal.