PatrolPH

Mga tricycle driver sa Taft Avenue, nirereklamo ang mga motorsiklong habal na kolorum

Nico Bagsic, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2022 08:48 AM

Watch more on iWantTFC

Matumal na nga ang biyahe, may kalaban pang mga kolorum. 

Yan ang reklamo ng mga driver ng tricycle dito sa Toda sa Taft Avenue sa Maynila dahil sa mga naglipanang mga kolorum na motorsiklong habal malapit dito sa area.

Matatagpuan ang terminal ng tricycle malapit sa UN Avenue LRT station. Dati rati, ang mga empleyado na pumapasok sa mga opisina sa Otis ay kadalasang sumasakay sa kanila lalo na kung nagmamadali ang mga ito.

Subalit mula ng mauso ang mga motorcycle hailing app, dumami na din ang mga motorsiklong habal na kolorum. 

Mga nakaabang na kasi sa labasan ng mga pasahero ng mga LRT station ang nga ito kaya naman imbis na maglakad pa ng kaunti papunta dito sa terminal ng tricycle ay nakukuha na nila ang mga pasahero.

Babala naman ng mga otoridad ay huwag tangkilikin ang mga kolorum na habal dahil hindi katulad sa mga nakarehistrong drivers sa mga motorcyle hailing app. 

Ang mga kolorum na habal ay walang insurance kaya walang pananagutang pinansyal ang driver nito kung maaksidente ang pasahero.

Nananawagan naman ang mga driver ng tricycle dito sa TODA na aksyunan ng mga otoridad ang mga kolorum na habal na ito para hindi na dumami pa ang kalaban nila at sobra sobra maningil sa mga pasahero at para lumakas pa kahit paano ang kanilang pamamasada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.