PatrolPH

Taxi driver binaril sa Malabon City

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2022 06:38 AM

Watch more on iWantTFC

Patay ang isang taxi driver matapos na barilin ala una kwarenta y singko ng madaling araw sa Baranggay Tenajeros, Malabon City.

Nakilala ang biktima na si Teodulo Remolano Jr., 57 anyos.

alt

Ayon sa tindera na si Emelita Degracia, katabi niya ang biktima ng barilin ito.

Sa una niyang akala, may nagpaputok lang malapit sa kanya pero paglingon niya nakita niyang bumulagta na ang biktima.

Pero hindi niya nakita ang 2 suspek dahil may inaasikaso siya sa tindahan.

Palakad na papalayo ang dalawang suspek ng makita niya ang mga ito.

Normal lang daw na umalis ang mga suspek na tila walang nangyari.

Mag-iisang oras na silang nagku-kwentuhan ng biktima bago ang insidente. Ang kanyang tindahan ang tambayan ng biktima habang naghihintay ito ng pasahero.

Matagal na silang magkakilala nito dahil sa kanya ito nagkakape.

Hustisya naman ang panawagan ng pamilya.

Ayon sa kapatid nito, wala pa silang matukoy kung sino ang may kagagawan sa pamamaril.

Pero noong nakaraang linggo may nakaaway itong kapitbahay sa barangay niya sa Catmon, Malabon.

Nabugbog pa ang biktima matapos pasukin nito ang bahay ng nakaaway.
Inatake kasi sa puso ang ama ng kaaway nito pero agad namang nagkaayos sa barangay ang mga ito.

Isa ito sa tinitingnan ngayon ng PNP dahil ilang araw matapos ang insidente namatay ang inatake sa puso na ama ng nambugbog sa biktima.

Inimbitahan na ng PNP ang anak ng nakaaway ng biktima na isa ngayon sa mga itinuturing na person of interest.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.