PatrolPH

P250K halaga ng pekeng yosi nasabat, 3 arestado

Izzy Lee, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2022 06:55 AM

Watch more on iWantTFC

Nasabat ng mga pulis ang halos 250,000 pesos na halaga ng umano'y mga pekeng sigarilyo sa San Andres Bukid sa Maynila.

Naaresto ang tatlong lalake matapos isuplong ang mga ito ng biktima na taga San Fernando, La Union. 

Sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng transaksyon online ang biktima sa mga suspek nang bumili ito ng tatlong kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng 93,500 pesos. 

Pero nang makipagkita na ang biktima sa mga ito para magbayad at kunin ang mga biniling sigarilyo, agad na umalis ang mga suspek pagkatapos makuha ang kaniyang ibinayad na pera. 

Laking gulat naman ng biktima nang i-check ang mga kahon at makitang kulang ang laman nang kaniyang mga binili. 

Napansin din niyang may pagkakaiba sa label sa mga kaha ng sigarilyo sa mga mabibili sa mga tindahan. 

Nagsagawa naman agad ng follow-up operation ang Manila Police District kung saan natagpuan nila sa bahay ng isa sa mga suspek ang nasa mahigit dalawang daang libong pisong halaga ng mga sigarilyo. 

Ayon sa mga pulis, posibleng counfterfeit products ang binebenta ng mga suspek. 

Nasa kustodiya na ngayon ng Sta. Ana Police ang mga suspek at nahaharap sa kasong estafa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.