Mas malamig na panahon ngayong Disyembre, ramdam na

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2021 08:08 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Ramdam na ang bahagyang paglamig ng panahon hindi lang sa Metro Manila kung ‘di sa iba pang bahagi ng bansa ngayong unang linggo ng buwan ng Disyembre.

Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, bahagyang bumababa na ang temperatura sa bansa, partikular sa Luzon dahil sa bugso ng northeast monsoon o amihan.

Inaasahan din ang maulap na panahon na may dalang isolated rains sa hilagang Luzon.

Nakapagtala nitong Huwebes ng malamig na 13 degrees Celsius na temperatura sa Baguio City sa madaling araw, 16.6 degrees Celsius naman sa Basco, Batanes, 19.5 degrees Celsius sa Tanay, Rizal at 18.8 degrees Celsius sa Malaybalay, Bukidnon.

Inaasahan na magpapatuloy ang malamig na temperatura ngayong Biyernes lalo na sa Cordillera region. Sa Baguio City ay inaasahan ang 13 hanggang 21 degrees Celsius, 10 hanggang 23 degrees Celsius naman sa Benguet at 12 hanggang 24 degrees Celsius sa Mountain Province.

Mararamdaman rin ng Metro Manila ang bahagyang paglamig ng panahon lalo na sa madaling araw. Nasa 22 hanggang 31 degree Celsius ang National Capital Region. Ang Tagaytay City ay nasa 2o hanggang 28 degrees Celsius.

Inaasahan na ganito rin ang magiging temperatura sa mga susunod na mga araw at posible pang lalong bumaba sa susunod na buwan.

Isa sa mga health tips ng Department of Health ngayong holiday season ay alagaan ang sarili dahil tag lamig. Ayon sa DOH, kapag nagkaroon ng ubo, sipon at lagnat ay agad ikonsulta na sa doktor o sa health center.

- TeleRadyo 3 Disyembre 2021