PatrolPH

Dahil sa typo: Mga taga-Novaliches umalma sa demolisyon sa kanilang lugar

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2022 11:50 AM | Updated as of Nov 30 2022 12:12 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nananawagan ang mga residente ng isang lugar na dine-demolish sa Quezon City na bigyan pa sila ng palugit upang makahanap ng lilipatang tirahan.

Matatandaang naging tensiyonado ang pagpapatupad ng demolition order sa isang komunidad sa Novaliches nitong Martes.

Taong 2019 pa dapat ide-demolish ang nasa higit 100 bahay sa Geronimo Street. Nitong Nobyembre 23, nagbaba ng final notice to vacate sa mga residente ang Branch 84 ng Quezon City Regional Trial Court.

Pero ang nakalagay sa dokumento na petsa ng paglabas ng utos ay Disyembre 23, 2022.

alt

“Ang sabi po nila typographical error po yun ng Korte, tapos may pinapakita po silang isa pang final notice to vacate na ang date ay November 23, 2022,” ani Angie Gabion, tagapagsalita ng Damayan Kapitbahay sa Geronimo.

“Pero wala po kaming received copy noon,” diin niya.

Umapela ang grupo sa pamahalaan na hanapan sila ng relokasyon o malilipatan.

“Nais po sana namin manawagan sa gobyerno ng Quezon City, sa lahat po ng konsehal na bigyan niyo naman po kami ng pansin. Dahil nandito na po, kung nakikita niyo po, natanggal na po yung mga tirahan namin, residente din po kami, parte po kami ng mahihirap.”

“Ang nais lang po namin, tulong po sa gobyerno…nais po sana namin ng relokasyon dahil wala po kaming mapupuntahan, wala po kaming pera para pang-upa ng bahay,” aniya.

“Bigyan lang po kami ng extension ang, susundin po naming date ay yung na-receive naming date,” dagdag niya.

--TeleRadyo, 30 November 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.