OFWs na planong umuwi mula HK, nag-aalala sa Omicron variant
ABS-CBN News
Posted at Nov 30 2021 02:11 PM
MAYNILA - Nangangamba ang mga overseas Filipino worker sa Hong Kong na planong umuwi ng Pilipinas ngayong kapaskuhan dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
“Nagwoworry din mga OFW natin dyan kasi may mga nagbabalak na umuwi ngayong kapaskuhan,” pahayag ni Emman Villanueva, chairperson ng Bayan Hong Kong at Macau.
Nitong Linggo, nagbigay-linaw ang National Task Force Against COVID-19 na tumatanggap pa rin ang Pilipinas ng inbound flights mula sa Hong Kong. Naghihintay pa ang NTF ng pinal na pahayag mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases tungkol sa isyu.
“Medyo nag-aalala sila dyan na baka ang mangyari matagal pa sila sa quarantine kaysa sa piling ng kanilang pamilya,” sabi ni Villanueva.
Nauna nang sinuspinde ng Pilipinas ang inbound flights mula South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique, Austria, Czech Republic at iba pang European countries dahil sa banta ng Omicron variant.
“Ang mga kababayan natin dito nagwo-worry diyan kung may makalusot sa Pilipinas. Nag-aalala kasi yung mga families,” sabi ni Emman Villanueva, chairperson ng Bayan Hong Kong at Macau.
Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Villanueva na hindi masyadong nag-aalala ang mga OFW tungkol sa pagpasok ng Omicron sa Hong Kong. Nakapagtala na umano ng ikatlong kaso ng Omicron ang Hong Kong.
“Ang masasabi natin dito mabilis ang pagkaka-detect. In fact, sila ay nasa sitwasyon pa ng pagka-quarantine at nagkaroon na kaagad ng napakabilis na contact tracing. Hindi masyadong nagwo-worry ang mga tao dito kasi dito sa Hong Kong halos ilang buwan nang walang local transmission ng virus,” sabi niya.
Tuloy pa rin aniya ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng mask at social distancing measures sa Hong Kong.
“21 days pa rin ang quarantine, hindi pa rin nagbabago. Mahigpit ang quarantine kasi most of the cases in the past several months ay imported cases kaya hindi niluluwagan yung 21 days na quarantine. I think it’s one of the most stringent sa buong mundo,” dagdag niya.
- TeleRadyo 30 Nobyembre 2021
Omicron variant, COVID 19, Coronavirus, COVID variant, Hong Kong, OFWs, Emman Villanueva, TeleRadyo