Food packs alok kapalit ng pagpapabakuna sa Paluan, Occ. Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2021 01:49 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Tuloy-tuloy ang pagbabakuna ngayong ikalawang araw ng national vaccination drive sa bayan ng Paluan sa Occidental Mindoro.

Dumagsa sa municipal gym ang mga residenteng nais na magpabakuna kahit ang kanilang mga barangay ay malalayo o nasa bundok. Marami rin ang nag-volunteer na health workers para tumulong sa pagbabakuna lalo’t limitado lamang ang mga staff ng Rural Health Unit ng bayan.

Nasa 1,500 ang target na mabakunahan sa loob ng tatlong araw sa naturang bayan. 

Binibigyan naman ng lokal na pamahalaan ng Paluan ng food packs na may lamang tatlong kilong bigas, canned goods at noodles ang mga nagpapabakuna para mahikayat ang mga residente na magpaturok.

Umabot naman sa 914 ang nabakunahan nitong Lunes.

Target na mabakunahan ang 11,969 na populasyon pero nasa 5,261 pa lamang ang may first dose at ang fully vaccinated ay nasa 3,884 pa lamang.

Sa ngayon ay 24 araw na ng zero reported COVID case sa bayan ng Paluan.

- TeleRadyo 30 Nobyembre 2021