Huling araw ng pagpaparehistro sa barangay elections, ikinasa na

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 09:02 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Inaasahang dadagsa ang tao sa mga opisina ng Commission on Elections, Huwebes, para sa huling araw ng pagpaparehistro para sa barangay elections.

Pinaalalahanan ng COMELEC ang mga pipila na magdala ng mga valid government ID tulad ng driver's license, passport, postal ID, at birth certificate.

Ang mga kabataan naman na magpaparehistro para sa Sangguniang Kabataan elections ay maaaring magdala ng school ID, library card, o birth certificate bilang patunay ng pagkakakilanlan.

Hindi naman tatanggapin bilang mga valid ID ang TIN ID at police clearance.

Nag-abiso naman ang ilang opisina ng COMELEC na dapat magbihis ng maayos ang mga magpaparehistro. Base sa mga nakapaskil na paalala, hindi umano aasikasuhin ang mga magpaparehistrong naka-sando, spaghetti strap, tube, at shorts.

Paalala ng COMELEC, opisina pa rin ng gobyerno ang mga lugar ng pagpaparehistro kaya nararapat lamang na bigyan ito ng galang.

- ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.