PatrolPH

1 patay sa sunog sa Barangay Holy Spirit, QC

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2022 08:34 AM

Watch more on iWantTFC

Isa ang patay sa sumiklab na sunog sa Saint Vincent Street sa Barangay Holy Spirit, Quezon City mag-a-alas singko ng madaling araw ngayong Lunes. 

Nakilala ang biktima na si Delfin Enerva.

Kwento ng anak nito na si Delmar, papaalis ng nasusunog na bahay ang 70 anyos na ama ng madulas ito at mabagok ang ulo sa semento.

May sakit din sa puso si Delfin na dead on arrival sa ospital.

Sa bahay ng pamilya ni Nestor Bactismo nagsimula ang apoy. Ayon sa kanya, papaalis na siya ng trabaho ng may maamoy na parang nasusunog na wire sa kwarto ng kapatid sa second floor ng bahay.

Nang tingnan niya, umuusok na ang kwarto.

Sinubukan pa sanang apulahin pero hindi na kinaya kaya nilabas na lang niya ang kanyang mga anak.

Gawa sa light materials ang bahay kaya mabilis kumalat ang apoy.

Sa tantiya ng mga residente nasa 10 bahay ang nasunog.

Ayon kay Inspector Reinhard Baldovino, ang substation commander ng BFP Holy Spirit, alas sais bente dos nang maideklarang fire out.

Hindi pa matukoy ng BFP kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.