Suspensiyon ng klase para sa SEA Games natugunan na: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 03:30 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na kanilang natugunan na ang hiling ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) hinggil sa pagsusupinde ng klase.

"Napakalinaw ng objective namin at dahil 'yun din naman hiningi sa amin ng PHISGOC at sila naman ang nasa memorandum circular in charge of preparation," paliwanag ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan, tagapagsalita ng DepEd.

Ayon kay Malaluan, may ilang mga eskuwelahan sa Metro Manila at Calabarzon ang nagkansela na ng klase sa Disyembre 2 hanggang 6.

"Kinausap namin regional directors at doon sa limited suspension amenable sila, syempre hindi malawakan ang magiging adjustment," sabi ni Malaluan. 

Pero iba naman ang hinihingi ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police.

Nais ng dalawang ahensiya na isuspendi ang klase sa lahat ng paaralan sa Metro Manila para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsadang dadaanan ng mga delegado ng SEA Games.

"We are required by law to have a minimum of 200 class days in a year. Sagad na sagad na ito sa aming school calendar," sabi ni Malaluan.

Paliwanag naman ni Malaluan na ang pagsuspende ng klase ay dapat may katumbas na extension o make-up classes.

"But at the same time, nililinaw ko lang kagaya ng nangyari dito sa Tagaytay na nagkaroon ng pag-uusap 'yung local government at saka itong aming division superintendent palawakin than what was required, ibig sabihin nun ay napag-usapan sa local level kung anong adjustment ang gagawin ng mga schools to be able to make up for some of the classes that will be suspended," sabi niya.

Samantala, idinagdag ni Malaluan na tinugunan na rin ng DepEd ang hiling naman ng Philippine Sports Commission (PSC) na maglaan ng isang classrooms para sa billeting quarters ng may 300 drivers para sa SEA Games.

"We also gave our support to that. We identified some schools I think in Pasay, Pasig, and in Manila na nirequest ng PSC to be used ang ilang classrooms as billeting quarters so we have also provided that support to this SEA Games," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.